KUNG dati ay sa electronic-sabong nagugumon ang mga Pilipino lalo na ang mga kabataan, ngayon ay naloloko na rin ang mga ito sa online casino dahil sa ‘sabwatan” ng mga e-wallet at gambling apps.
Dahil dito, iginiit ni House committee on government reorganization chairman Jonathan Keith Flores na agad i-disconnect ang e-wallet at gambling apps upang isalba ang mga Pilipino na naloloko sa online gambling.
“Online gambling preys on ordinary Filipinos, especially the poor. Sa ilang pindot lang, ubos ang kakarampot na sweldo na para sana sa bigas, kuryente, o matrikula. Tahimik pero malupit itong sumisira ng pamilya at kinabukasan ng kabataan,” ayon sa mambabatas.
Sinabi ng mambabatas na maraming digital payment system ang pinapayagan ang tinatawag na “seamless top-ups” at may built-in links sa mga online casino at betting platforms.
Dahil dito, napapadali na sa mga Pilipino ang magsugal kaya maraming pamilya ang nasisira tulad ng kaso sa isang distrito sa Bukidnon kung saan maraming padre de pamilya umano ang adik na sa online gambling.
Usap-usapan na rin umano ito sa social media dahil parami nang parami ang naloloko sa online-casino gamit.
Upang masolusyunan, kailangang gumawa aniya ng batas ang Kongreso na pagbawalan ang mga e-wallet na gamitin ang kanilang platform sa pagsusugal at maglagay ng restriksyon sa gambling apps.
“This is not yet a blanket ban, but that’s the direction we may be forced to take if we continue to see the future of our children and families torn apart. Payment platforms must not be complicit.
Their convenience should never come at the cost of Filipino lives,” ayon pa kay Flores.
Inatasan din ng mambabatas ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Securities and Exchange Commission (SEC) na suriin ang operasyon ng ng e-wallet companies na nagpo-promote ng online gambling sa kanilang apps.
Bago ito, tinuran ng Palasyo ang pagsusumikap ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na malansag ang lahat ng illegal gaming websites sa bansa.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro labis na nag-aalala ang gobyerno sa maliwanag na pagtaas ng bilang ng mga Pilipino na nagiging adik sa online games.
Sa ngayon, ang naalis pa lamang ng DICT ay 7,000 unauthorized online gaming sites na tinukoy ng PAGCOR.
At nang tanungin kung may plano ang gobyerno na magpatupad ng ‘total ban’ sa online games, gaya ng Scatter, sinabi ni Castro na hindi ito magagawa dahil lisensyado at accredited ito ng PAGCOR.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
