EBIDENSYA, ‘DI TURO-TURO: PAGHAHANAP NG KATOTOHANAN SA GITNA NG SERYOSONG AKUSASYON

TAMBULI ni JESSE RUIZ

SAGANANG-SAGANA ngayon ang mga Facebook political analyst maging ang mga marites sa lansangan sa mala-palengkeng banggaan ni Vice President Sara Duterte at ang kanyang ka-peso o ka-match, ang tagapagsalita ng Malacañang na si Atty. Claire Castro.

Tila wala na tayong matatanaw pang ceasefire sa nagaganap na word war sa pagitan ng Malacañang at tanggapan ni VP Sara dahil habang tumatagal ay tumitindi ang kanilang balitaktakan.

Sa gitna ng umiinit na palitan ng pahayag sa pagitan ng Malacañang at ng Tanggapan ng Bise Presidente, unti-unting nalulunod ang tunay na isyu: ang transparency at pananagutan sa pampublikong pondo.

Pansinin ninyo, mga katoto, matapos lumutang ang alegasyon ni dating Police Patrolman Rodulfo Gracioso Jr., ukol sa umano’y pagtanggap ng mga maleta ng pera mula kay dating House Speaker Lord Allan Velasco, nagkaroon ng panibagong lamat ang ugnayan ng dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa.

Sa halip na direktang sagutin ang mga akusasyon gamit ang kongkretong ebidensya at malinaw na paliwanag, pinili ni Bise Presidente Sara Duterte na ituro ang kasalukuyang administrasyon at ang Office of the President bilang siyang diumano’y nasa likod ng mga paninira at ng imbestigasyon laban sa kanya.

Ngunit gaya ng inasahan, ipinaalala ng Palace Press Officer na si Ate Claire Castro, na ang pagtuturo sa iba ay hindi sapat na depensa sa harap ng seryosong mga paratang.

Hindi ordinaryong usapin ang mga ibinabato kay Bise Presidente Duterte. Bukod sa usapin ng pondo mula sa dating House Speaker, lumutang din ang mas mabigat na alegasyon ukol sa diumano’y pagtanggap ng milyong pondo mula sa gobyerno ng Tsina—isang bagay na kung mapatutunayan ay naglalagay sa pambansang seguridad sa malaking panganib.

Sa harap ng ganitong kabigat na mga usapin, nararapat lamang na magkaroon ng malalim at walang kinikilingang imbestigasyon.

Hindi madadaan sa pulitika, turuan, o pagturing sa sarili bilang biktima ang mga ganitong usapin. Kung walang itinatago ang Bise Presidente, pinakamainam na idaan ito sa wastong proseso—ipakita ang mga bank record, maglabas ng opisyal na dokumento, at harapin ang mga imbestigasyon nang bukas at tapat.

Tama ba ako, mga kapatid, na ang taumbayan ay hindi naghahangad ng drama sa pulitika; ang hangad ng mamamayan ay malaman ang katotohanan kung saan napunta ang pondo at kung malinis ang intensyon ng mga namumuno sa bansa.

Sa huli, ang integridad ng isang pampublikong opisyal ay hindi masisira ng kalaban kung ito ay nakatayo sa matibay na pundasyon ng katotohanan. Oras na para itigil ang turo-turo at hayaang ang ebidensya ang magsalita.

60

Related posts

Leave a Comment