CLICKBAIT ni JO BARLIZO
KILALA si Sen. Panfilo “Ping” Lacson bilang mambabatas na mahigpit sa ebidensiya, dokumento at pananagutan. Sa kanyang mga imbestigasyon, paulit-ulit niyang ipinapakita na ang akusasyon ay dapat sundan ng resibo at ang mga alegasyon ay kailangang patunayan.
Dahil dito, makatarungan lamang na gamitin din ang parehong pamantayan kapag sinusuri ang kanyang mga pahayag at akusasyon.
Muling naging sentro ng usapan si Lacson matapos niyang ilabas ang video ng joint inspection ng Office of the Ombudsman, Philippine Reclamation Authority (PRA), Land Registration Authority (LRA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bahagi ng Laguna Lake sa Taguig na sinasabing may nagpapatuloy na reclamation activity. Tinawag niya itong pagpapakita ng “impunity.”
Mabigat ang salitang iyon.
Ngunit may mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng inspeksyon, alegasyon at napatunayang pananagutan.
Ang isinagawang inspeksyon ay nangangahulugang may tinitingnan at iniimbestigahan ang mga awtoridad. Hindi nito, sa sarili lamang nito, pinatutunayan kung sino ang nag-utos, sino ang may kontrol sa aktibidad, sino ang nakinabang o kung may pananagutan ang isang partikular na opisyal.
Dito pumapasok ang mahalagang papel ng ebidensya.
May mga pahayag at dokumentong inilalabas si Lacson na aniya’y nagpapakita ng problema sa mga reclamation at infrastructure project sa Taguig. Sinabi rin ng kanyang tanggapan na patuloy itong nangangalap ng ebidensya at nakikipag-ugnayan sa mga ahensya na nagsasagawa ng imbestigasyon.
Samantala, itinanggi ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang ilang paratang at iginiit nitong wala itong inilabas na permit para sa mga pribadong indibidwal na sinasabing sangkot sa aktibidad.
Kaya ang nararapat na tanong ay ano ang dokumento? Sino ang lumagda? Sino ang nag-utos? Kanino nakapangalan ang lupa? Sino ang contractor? Saan nanggaling ang pondo? At sino ang aktwal na nakinabang?
Kung may ebidensiyang nag-uugnay sa isang opisyal o institusyon sa ilegal na aktibidad, dapat itong ilabas at isailalim sa pagsusuri ng mga awtoridad.
Kung wala pa, dapat manatili sa antas ng alegasyon ang alegasyon.
Mahalaga ito dahil ang laban sa katiwalian ay hindi dapat mauwi sa paligsahan ng mga akusasyon. Ang mismong imbestigasyon ang dapat magsabi kung may paglabag, sino ang responsable at anong kaso ang maaaring isampa.
At dito nagiging mahalaga ang sariling kasaysayan ni Lacson.
Sa Kuratong Baleleng case, ibinasura ng korte ang murder charges laban sa kanya matapos matukoy na hindi sapat ang ebidensiyang iniharap upang maitatag ang probable cause. Kalaunan, pinagtibay ng Supreme Court ang dismissal.
Sa Dacer-Corbito case naman, naglabas ng warrant of arrest ang trial court laban kay Lacson, ngunit ito ay pinawalang-bisa ng Court of Appeals matapos nitong makita ang mga problema at inconsistency sa ebidensya. Nanatili ang dismissal matapos ang mga sumunod na paglilitis sa appellate level.
Hindi ito binabanggit upang balikan ang mga kasong matagal nang nalutas.
Ito ay para lamang ipakita na ang mga kasong iyon ang isang prinsipyong dapat pare-pareho para sa lahat: ang akusasyon ay hindi awtomatikong katumbas ng pananagutan.
Kung mahalaga ang prinsipyong ito kapag si Lacson ang inaakusahan, mahalaga rin ito kapag siya ang nag-aakusa.
May isa pang usaping nararapat lamang linawin. Ang umakyat na net worth ng senador na aniya ay nagmula ang malaking bahagi ng pagtaas sa mga legal at matagumpay na real estate at trading activities na isinagawa niya kasama ang dalawang business partners matapos siyang umalis sa gobyerno noong 2022.
Ang malaking pagtaas ng net worth, sa sarili nito, ay hindi patunay ng katiwalian.
Ngunit lehitimo ring magtanong tulad kung ano ang mga partikular na transaksyon na nagbunga ng malaking pagtaas ng kanyang net worth? Sino ang kanyang mga business partner? Ano ang mga ari-ariang nabili o naibenta? etc.
Iyan mismo ang pamantayang hinihingi sa mga taong inaakusahan niya.
Simple lang ang punto, kung ebidensiya ang hinihingi niya sa iba, ebidensiya rin ang dapat maging batayan sa pagsusuri sa kanya.
Hindi sapat ang reputasyon. Hindi sapat ang political brand. Hindi sapat ang malalakas na salita.
At hindi rin sapat ang pagtanggi.
Ang kailangan ay dokumento, testimonya, audit, fact-finding at, kung kinakailangan, desisyon ng mga institusyong may legal na kapangyarihang humatol.
Kaya sa isyu ng Taguig, hayaang magpatuloy ang imbestigasyon. Kung may ilegal na reclamation, tukuyin kung sino ang responsable. Kung may maling paggamit ng pondo, tukuyin kung saan ito napunta. Kung may opisyal na lumabag sa batas, magsampa ng kaukulang kaso.
Pero kung wala pang sapat na ebidensiya laban sa isang partikular na tao o institusyon, huwag munang gawing hatol ang alegasyon.
Dapat ding tanungin ang mga ahensya na nagsasagawa ng imbestigasyon, ang mga opisyal na nasasangkot, at ang mga partidong may kanya-kanyang bersiyon ng mga pangyayari.
Dahil ang tunay na laban sa katiwalian ay hindi laban ng pinakamalakas na boses kundi para sa katotohanang kayang tumayo sa harap ng ebidensya.
Kaya, Quo Vadis, Ping Lacson?
Kung may kasalanan ang Taguig o sinomang opisyal, ilabas ang ebidensya at hayaang gumana ang batas.
At kung may mga tanong din tungkol sa iyo, Senador, marahil ang parehong prinsipyo ang nararapat na pairalin: ilabas ang mga dokumento, ipakita ang ebidensya, at hayaang ang mga independiyenteng institusyon ang magpasya.
53 