NASABAT ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang tinatayang ₱20.7 milyong halaga ng hinihinalang ketamine sa Port of Clark.
Namarkahan ang kargamento na idineklarang naglalaman umano ng “compact ceramic fan” matapos makitaan ng mga kahina-hinalang imahe sa isinagawang X-ray examination ng mga tauhan ng BOC.
Sa physical examination, natuklasan ang pitong transparent plastic bags na naglalaman ng kabuuang 4,140 gramo ng white crystalline substance na hinihinalang ketamine.
Batay sa mga dokumento ng kargamento, nagmula ito sa Amsterdam, Netherlands, at nakatakdang ihatid sa Valenzuela City.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng BOC, katuwang ang PDEA at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID).
Ipinasa na sa PDEA laboratory ang nakumpiskang ebidensiya para sa laboratory analysis at confirmatory testing upang matukoy ang naturang substance.
(JESSE RUIZ)
40 