PASAY CITY — Hinimok ni Senator Mark A. Villar ang mga economic manager ng bansa na suportahan at pag-aralan ang mga benepisyong maaaring idulot ng kanyang panukalang pagtataas sa annual income tax exemption ceiling upang magbigay ng agarang ginhawa sa mga manggagawang Pilipino at mapalakas ang household consumption at ekonomiya.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance hinggil sa panukalang 2027 national budget, sinabi ni Villar na dapat ikonsidera ng pamahalaan ang tax relief sa gitna ng paghina ng consumer spending at mabagal na government spending.
Inihain ni Villar ang Senate Bill No. 2137, na naglalayong itaas mula P250,000 tungong P360,000 ang annual income tax exemption ceiling. Kapag naisabatas, hindi na papatawan ng personal income tax ang mga manggagawang kumikita ng hanggang P30,000 kada buwan.
“Kung mababa ang government spending at humihina rin ang consumption, ang pagpapataas sa income tax exemption ceiling ay magbibigay ng agarang ginhawa sa ating low- at middle-income workers,” ani Villar.
“Sa halip na hintayin pa ang pamamahagi ng tulong, direkta nang mananatili sa kanilang bulsa ang perang maaari nilang gamitin para sa pagkain, kuryente, pamasahe, edukasyon, at iba pang pangangailangan ng kanilang pamilya,” dagdag niya.
Sa pagdinig, iniulat ng mga economic manager ang pagbagal ng personal consumption, habang bumaba naman nang mahigit 30 porsyento ang public construction sa loob ng dalawang magkasunod na quarter.
Iniugnay ang paghina sa mataas na inflation, pagbaba ng consumer confidence at mga usapin sa pamamahala na nakaapekto rin sa mga pamumuhunan.
Ayon kay Villar, maaaring magsilbing pampasigla sa ekonomiya ang pagtataas ng exemption ceiling dahil mas malaking bahagi ng kita ng mga manggagawa ang mananatili sa kanila at maaari nilang gastusin para sa kanilang mga pangangailangan.
“Isa itong paraan ng pump-priming. May epekto man ito sa revenues, ang perang hindi na kukunin bilang buwis ay maaari namang bumalik sa ekonomiya sa pamamagitan ng mas mataas na household consumption,” ani Villar.
Nilinaw ng senador na hindi kapalit ng tax relief ang mga programang ayuda para sa mahihirap na pamilya, mga biktima ng kalamidad at mga manggagawa sa informal sector na hindi sakop ng income tax system.
“Hindi ko sinasabing alisin ang ayuda. Mahalaga pa rin ang direktang tulong, lalo na para sa pinakamahihirap at sa mga biktima ng kalamidad. Pero kailangan din nating bigyan ng relief ang mga manggagawang regular na nagbabayad ng buwis at patuloy na nahihirapan dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin,” ani Villar.
Sinabi ni Secretary Frederick Go na ang hiwalay na panukala ng administrasyon na itaas sa P350,000 ang income tax exemption ceiling ay maaaring magresulta sa tinatayang P60 bilyong pagbaba sa koleksiyon ng pamahalaan.
Gayunman, sinabi niyang humigit-kumulang 15 porsyento ng mawawalang kita ang maaaring mabawi sa pamamagitan ng karagdagang buwis mula sa paglakas ng consumption.
Iginiit naman ni Villar na dapat ding timbangin ang mas malawak na benepisyong pang-ekonomiya at panlipunan ng tax relief.
Aniya, direkta at episyente ang naturang paraan ng pagtulong dahil hindi na kailangan ng hiwalay na aplikasyon, pagpili ng benepisyaryo o pamamahagi ng benepisyo.
“Kapag nangolekta ang gobyerno, kailangan din nitong ibalik ang pera sa taumbayan sa pamamagitan ng mga programa. Kung mabagal ang government spending, dapat nating ikonsidera kung mas episyenteng hayaan ang bahagi ng kita na manatili sa mga manggagawang nangangailangan nito,” ani Villar.
“Direkta itong mapupunta sa mga manggagawa. Wala nang mahabang proseso, wala nang distribution costs, at wala nang bureaucratic inefficiencies. Agad nilang mararamdaman ang benepisyo sa kanilang suweldo,” dagdag niya.
Binanggit naman ni Secretary Arsenio Balisacan na huling nagkaroon ng malaking pagbabago sa personal income tax rates noong 2018.
Dahil sa patuloy na inflation mula noon, mas mabigat na umano ngayon ang aktuwal na pasanin sa buwis ng mga manggagawang kabilang sa mga apektadong income bracket.
Ayon kay Villar, lalo nitong pinagtitibay ang pangangailangang iangkop ang exemption ceiling sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya.
“In a way, isa itong inflationary adjustment. Inaangkop lamang natin ang income tax exemption sa epekto ng pagtaas ng presyo at sa tunay na halaga ng kita ng ating mga manggagawa ngayon,” ani Villar.
Umaasa si Villar na bibigyan ng Department of Finance at iba pang economic agencies ng masusing konsiderasyon ang kanyang panukala.
Aniya, dapat timbangin ang anumang epekto nito sa koleksiyon ng pamahalaan laban sa agarang ginhawang maibibigay sa milyun-milyong manggagawa at sa dagdag na siglang maidudulot sa ekonomiya.
(DANNY BACOLOD)
66 