MGA HAKBANG PARA PROTEKTAHAN ANG MGA PILIPINONG NANGANGAILANGAN, ISINUSULONG NI CAYETANO

Isinusulong ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang mga hakbang na naglalayong palakasin ang proteksyon at suporta para sa mga Pilipinong higit na nangangailangan ng tulong.

Apat na committee report ang nilagdaan ni Cayetano “with reservation” bilang pagpapakita ng suporta sa mga panukala, habang nananatili sa kanya ang karapatang kwestiyunin o punahin ang ilang probisyon kapag umabot na ang mga ito sa plenaryo.

Tatlo sa mga panukala ang sasailalim sa period of interpellation sa pagbabalik ng sesyon ng Senado.

Kabilang dito ang panukalang Free Housing Through Usufruct Act, na magbibigay sa mga kwalipikadong pamilyang walang tirahan ng karapatang gumamit ng government land at housing, habang mananatili sa pamahalaan ang pagmamay-ari ng lupa at bahay.

Para kay Cayetano, hindi dapat hanggang pansamantalang tulong lamang ang suporta ng gobyerno sa mga pamilyang nangangailangan.

“They appreciate the help, any help. But we have to see things through. Hindi pwedeng kaunting tulong ang gobyerno tapos bahala na kayo,” ani Cayetano.

“We all want quality housing. We all want to fix that,” dagdag niya.

Kasama rin sa mga panukala ang Comprehensive Tuberculosis Elimination Act, na layong palakasin ang pag-iwas sa tuberculosis (TB), maagang pagtukoy sa sakit at paggamot sa mga pasyente.

Magbibigay rin ito ng proteksyon sa mga may TB laban sa diskriminasyon at hindi awtorisadong pagbubunyag ng kanilang kondisyon.

May panukala rin na magtatakda ng 16 na taong gulang bilang minimum age para sa paggamit ng social media. Sa ilalim nito, kailangang magkaroon ang mga social media platform ng sistema para matukoy at ma-verify ang edad ng kanilang mga user.

Binigyang-diin ni Cayetano ang pangangailangang isaalang-alang ang epekto ng social media sa pag-iisip at paglaki ng mga bata.

“We have to reflect kung anong tinatanim natin sa isip ng mga bata. It’s really getting to a consensus of what law will be most proactive and relevant to us where we can protect our young people,” wika niya.

Samantala, nilagdaan din ni Cayetano ang committee report para sa panukalang Condominium Redevelopment Act, na nakatakdang sumailalim sa third reading.

Layunin nitong gawing mas malinaw ang mga patakaran sa maintenance, pagkukumpuni, reconstruction at redevelopment ng mga condominium.

Patuloy namang nakikilahok si Cayetano sa mga committee hearing at talakayan sa Senado habang umuusad ang mga panukalang ito.

63

Related posts

Leave a Comment