PBBM HINIMOK DEPED NA ITURO CLIMATE CHANGE SA MGA BATA

NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Education (DepEd) na palakasin ang climate change education sa mga paaralan upang maagang maunawaan ng mga bata ang epekto nito sa kapaligiran at kanilang mga komunidad.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagtuturo ng climate-change awareness sa mga mag-aaral sa murang edad.

“Sa DepEd, ituro sa mga bata, kahit sa murang edad ay makatulong na sila,” pahayag ni Castro, na muling binanggit ang direktiba ng Pangulo kasunod ng emergency Cabinet meeting na ipinatawag nito noong Lunes sa Malacañang.

Sinabi ni Castro na mahalaga ang papel ng mga mag-aaral sa paghahanda sa seryosong epekto ng climate change, na maaaring maging mas malala sa mga susunod na taon.

“Sa mga estudyante, ang role ng bawat isa ay maging handa sa epekto ng climate change, mas maging malala ang epekto nito sa mga susunod pang taon, huwag nating paabutin sa ganoong kondisyon,” ani Castro.

Binigyang-diin din ni Marcos ang pangangailangang palakasin ang climate awareness sa community level at ipaalam sa bawat residente na may maaari silang gawin upang mabawasan ang epekto ng climate change.

“Sa bawat barangay, ipaabot natin na ang bawat residente ay may ambag para mabawasan ang malaking epekto ng climate change,” ani Castro.

Kabilang sa mga praktikal na hakbang na maaaring gawin sa mga komunidad ang proper waste disposal, environmental cleanup at pagpapanatiling walang bara ang mga daluyan ng tubig, na makatutulong upang mabawasan ang pagbaha at iba pang climate-related risks.

“Mula sa maayos na pagtatapon ng basura, paglilinis ng kapaligiran, pagtatanggal ng bara sa daluyan ng tubig, hindi ito maliit na bagay,” dagdag ni Castro.

Ang panawagan ng Pangulo ay kasunod ng patuloy na epekto ng malalakas na monsoon rain sa ilang bahagi ng bansa, partikular sa Central Luzon, na nagdulot ng pagbaha at iba pang problema sa mga komunidad.

Binigyang-diin ng administrasyon ang pangangailangan sa government intervention at greater public preparedness sa pagharap at pagtugon sa climate-related disasters.

Ilang ulit na ring binigyang-diin ng pamahalaan ang kahalagahan ng climate resilience, disaster preparedness at environmental protection habang nahaharap ang bansa sa pabago-bagong weather patterns at mas matitinding weather events.

Sa pamamagitan ng climate education, inaasahang mas mauunawaan ng mga kabataan ang mga environmental challenge sa kanilang komunidad at mahihikayat silang makibahagi sa mga praktikal na hakbang upang maprotektahan ang buhay, ari-arian at kapaligiran.

(CHRISTIAN DALE)

50

Related posts

Leave a Comment