MAGKAKAROON ng mandatory education sa usapin ng West Philippine Sea (WPS) dahil maraming Pilipino umano ang nadadala at naniniwala sa mga maling impormasyon na ikinakalat ng Tsina hinggil sa nasabing bahagi ng karagatan.
Ito ang nabatid kay in-coming Akbayan party-list Representative-elect Atty. Chel Diokno na nakatakda umanong maghain ng panukalang batas sa 20th Congress para gawing mandatory ang pagtuturo ng tungkol sa WPS sa mga paaralan.
“Bilang Akbayan party-list representative sa darating na 20th Congress, isusulong po natin ang mandatory education dito sa West Philippine Sea sa lahat na lebel ng pag-aaral,” pahayag ni Diokno.
Kailangan aniya itong gawin dahil nakakabahala na umano ang nangyayari kung saan maraming Pilipino ang naniniwala sa Tsina na sila ang tunay na may-ari ng WPS at ang Pilipinas ang nagsisimula ng gulo sa nasabing teritoryo.
“Nakakalungkot lang na mayroon tayong mga kababayan na nadadala sa Chinese disinformation,” pinunto ng incoming lawmaker.
Nakakabahala pa aniya na mayroon tayong mga kababayan na sila mismo ang nagkakalat ng Chinese disinformation,” ayon pa sa human rights lawyer na magiging miyembro na ng Kamara.
Ginawa ni Diokno ang pahayag sa gitna ng paghahain ng Atin Ito coalition para muling maglayag sa WPS at igiit ang karapatan ng Pilipinas sa teritoryo, lalo na’t walang plano ang Tsina na itigil ang pag-aangkin dito.
Tinagurian bilang ‘Concert at Sea for Peace’, ang paglalayag ng nasabing koalisyon na kinabibilangan ng Akbayan, para ipromote umano ang regional unity sa WPS sa pamamagitan ng musika sa gitna ng karagatan.
Si Diokno ay unang party-list elect congressman na naglibot sa Batasan Pambansa Complex nitong nakaraang Miyerkules.
(BERNARD TAGUINOD)
