Eepal sa fuel subsidy mananagot NAKA-MOTORSIKLO ‘DI DAPAT MAIWAN SA OIL TAX RELIEF – ERWIN TULFO

KASUNOD ng pag-certify ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang “urgent” sa panukalang suspensyon ng excise tax sa petrolyo, nanawagan si Senator Erwin Tulfo na gawing inklusibo ang nasabing polisiya para hindi maiwan ang nasa 8.5 milyong Pinoy na gumagamit ng motorsiklo araw-araw.

Sa pagdinig ng Senate Ways and Means Committee noong Marso 11, nagbabala si Tulfo laban sa paglimita ng tax relief sa diesel lamang.

“Huwag nating iwanan ang mga naka-motorsiklo. Gasolina ang gamit nila, kaya hindi natin pwedeng limitahan lang sa diesel ang suspensyon ng excise tax,” giit ni Tulfo.

“May 8.5 milyong Pilipino ang gumagamit ng motorsiklo araw-araw para pumasok sa trabaho at ikabuhay. Ano na lang ang mangyayari sa kanila kung hindi natin isasama ang gasolina?” dagdag niya.

Bilang tugon, tiniyak ni Department of Finance Undersecretary Karlo Adriano na isasama ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at Department of Energy (DOE) ang panawagang ito sa kanilang rekomendasyon sa Pangulo para sa isang “holistic view” ng panukala.

Bukod sa tax relief, nagbitaw din ng babala ang Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development laban sa pamumulitika sa distribusyon ng fuel subsidy.

“May mga polisiya na tayong nagbabawal sa pakikialam ng mga politiko. Ang sinomang mahuhuling gumagamit ng krisis na ito para sa sariling interes ay dapat parusahan,” babala ni Tulfo.

“Hindi galing sa bulsa ng mga politiko ang perang ipinamimigay. Galing ito sa buwis ng taumbayan, kaya dapat ay walang anomang interbensyon ng mga politiko sa pamamahagi nito,” dagdag pa ng senador.

Matatandaang isinulong ni Tulfo sa 2026 General Appropriations Act ang probisyon na nagbabawal sa mga politiko na makilahok sa distribusyon ng tulong ng gobyerno. Sinundan ito ng DILG Memorandum Circular No. 2026-006 na nagbabawal din sa paglalagay ng pangalan o mukha ng mga opisyal sa mga proyekto ng pamahalaan.

Upang gawin itong permanente, muling inihain ni Tulfo ang “Anti-Epal Act” o Senate Bill No. 1750 noong Pebrero, na nagbabawal sa mga incumbent official at kandidato na makibahagi sa mismong pamamahagi ng tulong pinansyal ng gobyerno.

59

Related posts

Leave a Comment