(ELOISA SILVERIO)
KAPWA nangako sina Gobernador Daniel Fernando at Bise Gob. Alexis Castro na susuportahan ang programa ng isa’t isa bilang pinuno ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng pamahalaan sa ginanap na Pasinayang Pagpupulong ng Ika-11 Sangguniang Panlalawigan sa Bulwagang Senador Benigno Aquino Sr. Session Hall sa lungsod na ito kamakalawa.
Nanawagan ang gobernador sa kanyang mga kapwa lingkod bayan na isantabi ang pulitika at sariling interes, at yakapin ang kanilang sinumpaang tungkulin na pagsilbihan ang kanilang mga kababayan.
“We can work independently in nature and in function yet together in principles and vision. Isa lamang ang ating layunin, ang makita na ang Bulacan ay isang maunlad, matiwasay, at masayang lalawigan kung saan may katarungan para sa lahat,” ani Fernando.
Gayundin si Castro na susuportahan ang mga programa ni Fernando at hinikayat ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na ganoon din ang kaparehong gawin.
“Ang aking hamon para sa ating lahat, lalong higit sa ating mga kasamang Kasangguni, itaguyod po natin ang mga programa ng ating Punong Lalawigan.
Ibigay po natin ang isang daang porsiyentong suporta sa kanya at sa kanyang pamumuno. Bigyan po natin siya ng hindi nahahating pakikiisa sa kanyang mga layunin. Kaya naman po ang atin ring pasasalamat kay Governor Daniel sa pagpapahayag ng suporta sa ating mga mithiin,” anang bise gobernador at pinunong tagapangulo ng SP.
