BAGO pa ang gusot sa pagitan ni Pilipino pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena at Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) ay marami nang alok na natatanggap mula sa ibang mga bansa ang “Flying Pinoy.”
Isinawalat ito mismo ng dati niyang American coach na si Jim Lafferty sa isang panayam sa telebisyon. “He (EJ) had gotten offers from other countries even before being embroiled in a controversy with the national athletics federation.”
Ilang araw lamang ang nakalilipas ay inakusahan si Obiena ng PATAFA ng pagdispalko sa perang laan para sa kanyang training, kasama na ang buwanang bayad sa kanyang Ukranian coach na si Vitaly Petrov.
Kaugnay nito, ang anak ng mga dating pambansang atletang sina Emerson at Jeanette Obiena ay nag-file ng counter affidavit na humihingi ng public apology mula sa PATAFA at nagbantang magreretiro na lang bilang national athlete.
“Long before this happened, there was already a line of people (knocking) at his door to offer him a passport,” pahayag ni Lafferty sa ONE Sports.
Kaya pangamba ng mga mambabasa ng SALA SA INIT… SALA SA LAMIG ay baka sumunod din si EJ sa ginawa nina Chess GM Wesley So at golfer Yuka Saso, na kapwa piniling maglaro para sa United States at Japan, ayon sa pagkakasunod.
Nakakalungkot kung tatalikuran din ni EJ ang Pilipinas dahil sa hindi makatwirang bintang sa kanya, sa kabila ng mga karangalang naiuwi niya sa bansa.
Siya ang unang Pinoy pole vaulter na nanalo ng gintong medalya sa 23rd Asian Athletic Championships sa Doha, Qatar noong Abril 21, 2019, matapos ang mahigit 100 taong medal drought ng bansa sa athletics.
Tatlong Pilipinong high-flying Eagles ang naghari sa naturang sport 107 taon na ang nakararaan, noong 1913 First Far Eastern Games na ginanap sa Maynila.
Si Remigio Abad ang naghari noon laban sa dalawang Tsino na nag-umpisa sa isang dekadang dominasyon ng mga Pilipino sa disiplina. Sinundan siya ni Genaro Saavedra noong 1915, at Antonino Alo noong 1919 nang tanghalin siyang discus throw king ng Asya.
Pinalawig ni Alo sa anim na taon pang sumunod ang kanyang paghahari noong 1921, 1923 at 1925 edisyon ng FEG, bago siya tinalo ng Hapones na si Yonetaro Nakasawa noong 1927. Walang sinumang Agilang Pilipino ang nagtagumpay mula noon, hanggang sa dumating ang 25-anyos na batang Barrio Obrero, Tondo na si Obiena.
Tumalon sa taas na 5.71 metro para sa bagong Asian record si Obiena. Pinagbuti pa niya ito sa Chiara, Italy sa 5.81 metro upang maging kauna-unahang Pilipino na magkuwalipika sa Tokyo 2020 Olympics, nausog ng isang taon (2021) dahil sa COVID-19 pandemic.
Ngunit nabigo ang 6-foot-2 high leaper na si EJ na maduplika ang kambal na bronze medal finish nina Simeon Toribio (1932 Los Angeles Olympics) at hurdler Miguel White (1936 Berlin), at tumapos lang sa 11th place sa Tokyo. Sa kabila nito, batid ng maraming bansa ang kakayanan ng binata kaya’t marami sa kanila ang nais na katawanin sila nito sa susunod na taon sa Southeast Asian Games, Asiad, World Championships at maging sa 2024 Paris Olympics, na eksaktong ika-100 taon ng partisipasyon ng Pilipinas sa “Greatest Sports On Earth.”
Kaya dalangin ng inyong lingkod na huwag matulad kay Wesley si EJ dahil lang sa ilang walang alam na sports officials sa ating bansa.
