NAGBABALA si Senador Joel Villanueva na ang hindi pa rin makontrol na pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases ay magiging ‘disaster’ sa ekonomiya at maging sa mga manggagawa.
Pinuna rin ni Villanueva ang kawalan ng bansa ng epidemiological surveillance upang i-monitor ang pagkalat ng COVID-19 para sa mas malinaw na mga hakbangin sa paglaban sa sakit.
Naalarma ang senador sa patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases kasabay ng paalala na ang mga negosyante ay nakadepende sa tiwala sa health sector management.
Ipinaliwanag ni Villanueva na hindi magbubukas ang mga negosyo kung nakikita nila ang posibilidad ng panibagong lockdown na tiyak na may negatibong epekto sa ekonomiya at maging sa mga manggagawa.
“Kulang na po ang ginagawang pag-report ng mga numero araw-araw at ang pagsita sa mga pasaway.
Dapat inaalam na po kung saan ang mga hotspot, at magsagawa ng sapat na random testing upang malaman kung gaano kalawak ang pagkalat ng sakit,” saad ni Villanueva.
Sinabi pa ng senador na mas mapanganib ang sistema ngayon na walang active monitoring at nagugulat na lang ang lahat na kalat na ang COVID sa ilang lugar.
Ipinaliwanag nito na ang epidemiological monitoring at surveillance ay magbibigay sa mga awtoridad ng mas malinaw na larawan ng tunay na sitwasyon para sa mas epektibong aksyon. (DANG SAMSON-GARCIA)
