Tulong sa pamilya pinatitiyak 2 PINOY PATAY SA HORMUZ ATTACK

INIUTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagbibigay ng government assistance, benepisyo, kompensasyon at insurance proceeds sa mga pamilya ng dalawang Filipino seafarer na nasawi sa pag-atake sa Saudi-flagged crude oil tanker na SIDR habang naglalayag sa Strait of Hormuz.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ipinaalam ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac kay Pangulong Marcos ang insidente.

Agad namang nagpaabot ng pakikiramay ang Pangulo at administrasyon sa mga pamilya ng dalawang seafarer na mula Cabuyao, Laguna, at Daanbantayan, Cebu.

“Ang Pangulo at ang administrasyon ay nakikiramay po sa pamilya ng dalawang seafarers,” ani Castro.

“Nag-utos na po ang Pangulo agad-agad na tulungan ang mga pamilya ng dalawa nating kababayan na nasawi at ibigay ang lahat ng kailangan nila pati ang benepisyo, compensation, insurance proceeds na naaangkop,” dagdag niya.

Tiniyak ni Castro na hindi pababayaan ng gobyerno ang mga naiwang pamilya, habang sinabi ni Cacdac na patuloy siyang magbibigay ng update kay Pangulong Marcos hinggil sa kaso.

Ayon sa DMW, 16 na Pilipinong tripulante ang sakay ng tanker nang mangyari ang insidente. Na-contain ng mga tripulante ang sunog na resulta ng pag-atake, ngunit dalawang Filipino seafarer ang nasawi.

(CHRISTIAN DALE)

66

Related posts

Leave a Comment