TARGET NI KA REX CAYANONG
RAMDAM na sa maraming lugar sa bansa ang El Niño phenomenon. Kaya pinaghahanda na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kinauukulang mga ahensya ng pamahalaan para rito.
Inaasahan na sa linggong ito ay maglalabas ng El Niño mitigating plan.
Mantakin ninyo, kahit panahon na sana ng tag-ulan ay napakainit ng panahon.
Nababahala na rin ang maraming sektor, kabilang ang mga mambabatas sa magiging epekto nito sa mamamayan.
Pinaniniwalaang makatutulong naman ang clouding seeding para madagdagan ang water supply, bagay na isinusulong ni ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo.
Tama nga naman si Tulfo, matagal na namang ginagawa ang cloud seeding upang umulan sa isang partikular na lugar. Maraming beses na ring napatunayan na epektibo ito.
Sinasabing matagal nang hinihintay ng mga residente sa Norzagaray, Bulacan kung kailan magka-cloud seeding upang madagdagan naman ang tubig sa Angat Dam na sa kasalukuyan daw ay nasa 179.23 meters na lang ang antas ng tubig o mas mababa sa normal operating level na 180 meters.
Tsk, tsk, tsk.
Samantala, nababalot na naman ng kontrobersiya ang Philippine National Police (PNP) dahil sa sinasabing pangingikil daw ng mga tauhan ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) sa mga dayuhang na-rescue sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Las Piñas City.
Naku, balak daw ni Sen. Raffy Tulfo na paimbestigahan ito sa Senado.
Kaya lang daw hindi pa nare-repatriate ang mga dayuhang na-rescue ay dahil sa nagpapapresyo pa raw ang mga taga PNP-ACG?
Kung tama ang sinasabi ng senador, nakalulungkot naman kung ganoon.
Aba’y Hunyo 27 pa nga naman nangyari ang pagsalakay ng PNP o halos dalawang linggo na mula nang mangyari ito pero hindi pa rin nakakasuhan o naipapatapon palabas ng bansa ang mga ito.
Pagsisiwalat nga ni Tulfo, parang nagkakatawaran pa?
Ang nakatatakot na sinabi ng senador, aba’y pinapatubos pa raw ng mga taga-ACG ang mga dayuhan mula sa kani-kanilang mga embahada.
Bukod dito, kinuwestiyon din ni Tulfo ang agad na pagpapauwi sa ilang mga Pinoy na nakita sa POGO at pagturing sa kanila na mga biktima.
May punto rin naman ang mambabatas.
Baka nga naman kasabwat din ng POGO operators ang ilang Pinoy?!
Abangan!
173