IPIT ANG PILIPINAS

 CLICKBAIT ni Jo Barlizo

NAGBABALA si House Deputy Minority Leader France Castro na nagiging American military base muli ang Pilipinas dahil sa ilang “covert” flights umano ng US military planes sa ilang parte ng bansa.

Una nang kinuwestyon ni Senador Imee Marcos ang panibagong presensya ng ilan pang C-17 Globemaster ng U.S. Air Force sa Maynila at Palawan.

Bago ito, may kaparehong military plane din umano na lumapag sa Maynila noong nagdaang linggo.

Parehong isinusulong ng dalawang mambabatas na siyasating mabuti ang mga ‘sikretong’ paglipad sa bansa ng mga U.S. military plane.

Habang nangangamba ang mga mambabatas sa nagiging madalas na pagdating ng eroplano ng mga Amerikano sa bansa, naroon naman at nagkumpol-kumpol sa bahagi ng West Philippine Sea ang mga sasakyang pandagat ng China.

Naiipit ang Pilipinas sa dalawang super power na ito. Desidido ang China na palawakin ang kanilang teritoryo. Hindi rin padadaig ang Amerika at siguradong hindi papayagang makalamang sa kanila ang China.

Habang naggigirian ang dalawa, nasa gitna ang Pilipinas. Malaking sakit ng ulo ito kay Pangulong Bongbong Marcos dahil kailangan niyang maging maingat at matalino sa mga desisyon.

**Chechebureche ni Zubiri**

Pansin n’yo ba, ang daming chechebureche ng mga mambabatas? Gaya nitong senador na pangulo pa naman ng Senado, na nananawagan sa mga bilyonaryo na may pinakamalalaking kompanya na iwasang bumili ng luxury cars upang makapagbigay ng mas magandang suweldo sa kanilang mga manggagawa.

Habang nararapat ang tamang sahod lalo sa panahon ngayon na nagtaasan na lahat mula sa presyo ng bilihin hanggang sa serbisyo, hindi naman tamang diktahan ang isang indibidwal kung paano niya gagastahin ang kanyang pera.

Bakit hindi nila trabahuhin sa Senado ang kapakanan ng mga manggagawa upang matiyak na nakatatanggap sila ng makataong kabayaran sa kanilang serbisyo.

Gusto lang atang maging relevant sa umento ng suweldo si Migz Zubiri, nakatikim tuloy ng pambubuska at pangungutya.

Marami ang napundi sa pangingialam ng senador sa lifestyle ng mga super rich na negosyante na sinabihan niyang huwag munang bumili ng Lamborghini.

Pinaghirapan ng mga negosyante ang pera kaya anong paki ng iba kung anong gusto nilang bilhing sasakyan. Pera nila ‘yon.

Ika nga, my money my rules, at walang basagan ng trip.

Ang dapat tutukan ni Zubiri ay ang amyendahan ang kanyang panukalang P150 dagdag-sahod upang itulak ang P100 across-the-board increase para maging mas madali para sa Senado na ito ay aprubahan sa kabila ng pagsalungat ng mga negosyante.

‘Yan ang dapat. Hindi naman sapat ang P40 umento sa arawang sahod sa NCR.

Kailangan ang legislative wage, hindi ang pagmamalaki na marami siyang bilyonaryong kaibigan na kayang ipagkaloob ang hinihirit na wage increase.

Hindi pwedeng ipangalandakan ang presyo ng mga supercar na Lamborghini, Porsche at Ferrari. Anong masama kung nagkakaubusan na ang mga kotse na nabanggit?

‘Yung ibang super rich nga, bumibili ng resort, jet at yate.

Kaya nagkakaletse-letse ang mga panukala na dapat ay tinututukan, isinusulong at pinaglalaban ang pakinabang dahil sa mga walang kwentang chechebureche.

173

Related posts

Leave a Comment