(NI LYSSA VILLAROMAN)
SINAGOT ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Guillermo Eleazar ang isyu tungkol sa survey ng Social Weather Stations (SWS) sa mga Pilipino na natatakot maging biktima ng extrajudicial killings (EJKs).
Sa isang panayam kay Eleazar, pinagdiinan ng NCRPO chief na hindi kinukunsinti ng kasalukuyang administrasyon ang pagpatay sa mga kriminal na inihalintulad sa kaso ng napatay na binatilyong si Kian delos Santos kung saan napatunayang nagkasala ang mga pulis na humuli dito.
Sinabi ni Eleazar na hindi naging malinaw ang pagkakatanong sa naturang survey tungkol sa pagiging biktima ng EJK.
“Sa atin naman, even to the President down to the line, hindi tayo nagko-condone ng pagpatay lalo na ng walang dahilan, lalo na ng extrajudicial killings. Yung ibang mga umaabuso, like sa Kian case, ‘yun talaga we can say na nagpatay ‘yun,” paliwanag ni Eleazar.
Sa huling survey ng SWS, lumalabas sa resulta nito na walo sa 10 katao ang nag-aalala na maaaring sila o kahit sino ay pwedeng maging biktima ng EJK samantalang 50 porsiyento sa mga ito ang naniniwalang ang mga mahihirap lamang ang napupuntirya sa opersayon ng pulisya.
Dagdag pa ni Eleazar na ang kanilang mga tauhan sa hanay ng pulisya ay hindi sangkot sa EJK dahil kanilang iginagalang ang karapatan ng bawat kriminal na kanilang nahuhuli.
“I would like to assure the public also na wala tayong ginagawang ganyan. In fact, itong sa data ng NCR, for the past 32 months since the July of 2016 until now, we have arrested 72,000 suspects na buhay,” ani NCRPO chief.
Base sa datos ng pulisya, lumalabas lamang na dalawang porsiyento sa mga nadakip na kriminal ang mga namatay dahil sa pakikipag-engkwentro ng mga ito sa mga operatiba.
Nauna dito, kinuwestiyon naman ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang paraan ng pagtatanong sa SWS survey na sa kabila nito, ang nararapat na pagtuunan ng pansin sa tanong ay ang punto ng pagkakaalam ng kanilang mga taong binigyan ng panayam tungkol sa EJK.
Ayon kay Albayalde, hanggang sa ngayon ay wala pa rin namang napapatunayan na may kasong EJK sa bansa.
170