Employment strategy giit ng Labor group TARGET NA 2.8M JOBS MALABO

NANINIWALA ang Partido Manggagawa (PM) na hindi makakamit ng administrasyong Duterte ang tudlang 2.8 milyong trabaho ngayong 2021 dahil wala itong malinaw na “public employment strategy”.

Ayon sa tagapagsalita ng PM na si Wilson Fortaleza, ang 133,315 manggagawang natanggal sa trabaho mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong Enero ay matibay na ebidensiyang walang estratehiya ang gobyerno.

Ang mga nawalan ng trabaho, ayon sa Job Displacement Monitoring Report ng Department of Labor and Employment (DOLE), ay batay sa pagsasara ng mga kumpanya at implementasyon ng sistemang “flexible work arrangement” (FWAs).

Naniniwala si Fortaleza na magtutuloy-tuloy ang malawakang tanggalan sa trabaho hanggang Disyembre at sa susunod na taon hanggang hindi naglalabas ng estratehiya ang pamahalaan upang makabalik sa trabaho ang mga nawalan kabilang ang mahigit dalawang milyon na jobless bago nagkaroon ng pandemya sa COVID-19 sa bansa.

Matatandaang ibinida kamakailan ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na 2.8 milyon ang target ng pamahalaan na makamit na trabaho para sa mga Pilipino ngayong taon.

Sabi ni Nograles, makakamit ito dahil sa National Employment Recovery Strategy (NERS) na ikakasa ng pamahalaan.

Si DOLE Secretary Silvestre Bello III ang namumuno sa labing-anim na kagawaran at ahensiya ng pamahalaan na magsasakatuparan ng NERS.

Mula nang tumindi ang tanggalan ng mga manggagawa nitong nakaraang taon dahil sa iba’t ibang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya, kabilang na ang pagsasara ng mga naluluging kumpanya, ay walang binalangkas na estratehiya ang DOLE upang tulungan ang mga manggagawa sa formal at informal sectors.

Batay sa pinakabagong datos ng DOLE, sa 133,315 na nawalan ng trabaho ay 108,089 dito ang apektado ng FWAs at pansamantalang pagsasara ng 2,799 kumpanya.

Umabot naman sa 25,226 manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa permanenteng pagsasara ng 1,421 establisimiyento.

Nakalagay sa parehong ulat ng DOLE na ang 15,324 na manggagawa sa National Capital Region (NCR) ang pinakamalaking bilang sa mga tinanggalan ng hanapbuhay dahil sa permanenteng pagsasara ng kanilang kumpanya.

Pumangalawa ang Rehiyong Central Visayas sa bilang na 3,671 at ikatlo ang Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) na 1,957 manggagawa ang nawalan ng trabaho.

Ang NCR at Calabarzon ay parehong bahagi ng Luzon kung saan umaabot sa 75% ang ambag sa gross domestic product (GDP) ng bansa.

Matatandaang Luzon ang nakatikim ng mahabang lockdown na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte nang maging agresibo ang pag-atake ng COVID-19 sa bansa nitong 2020. (NELSON S. BADILLA)

174

Related posts

Leave a Comment