TIN CARDS SA FB, ILEGAL – BIR

NAGBABALA ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa indibidwal na nag-aalok ng serbisyo sa pagkuha ng TIN at TIN cards, gamit ang facebook.

Ayon sa BIR, para sa kaalaman ng lahat, ito po ay hindi awtorisado at hindi pinapayagan ng BIR.

“Huwag tangkilikin ang mga ilegal na transaksyong ito sa social media sapagkat ito ay ipinagbabawal ng batas,” ayon sa BIR.

“Ang sinumang mahuhuling gumagawa nito ay papatawan ng kaukulang parusa na naaayon sa ating batas,” dagdag pa ng ahensya.

Binanggit pa ng ahensya na ang TIN cards ay hindi ipinagbibili. Ito ay maaari lamang iisyu o ipagkaloob ng BIR.

Nauna rito, kamakailan ay nagpalabas ng advisory ang BIR na nilagdaan nina Lanee Cui-David, Deputy Commissioner ng Information System Group, at Arnel SD. Guballa, Deputy Commissioner ng Operations Group, para paalalahanan ang publiko laban sa mga nag-aalok sa Facebook, sa pagkuha ng Taxpayer Identification Number (TIN).

Ayon pa sa advisory, ang TIN cards ay hindi ipinagbibili at ang sinumang gumagawa nito ay ikinukonsidera ng BIR na ilegal at pandaraya.

Pinaalalahanan ni David ang publiko na huwag makipag-ugnayan sa hindi awtorisadong BIR personnel o unofficial online sites.

Para sa paglilinaw, komento at suhestiyon, maaaring bisitahin ang contact us@bir.gob.ph. (JOEL O. AMONGO)

209

Related posts

Leave a Comment