INENDORSO ni Gobernador Daniel Fernando ng Bulacan sa National Irrigation Authority (NIA) ang potensyal na paggamit ng green environmentally sustainable technologies na magpapataas sa
kapasidad ng Bustos Dam katulad ng ginagamit sa mauunlad na bansa kung saan ang mga dam ay tumatagal ng daang taon at higit pa.
Nagpaabot ng pasasalamat ang Design and Specifications Division sa inisyatibo ng gobernador at kinukonsidera ang makabagong teknolohiya upang masiguro na nasusunod ang mahigpit na
pangangailangan para sa seguridad sa paggawa at pagsasaayos ng dam.
Inanunsyo ito ng gobernador matapos ang monitoring at inspeksyon sa paglalagay ng coffer dam na ginamitan ng steel sheets at sand bags, ang remedyong isinagawa ng kontraktor sa rubber gate sa Bay 5 ng Bustos Dam na matatagpuan sa Brgy. Tibagan, Bustos, Bulacan kamakalawa ng umaga.
“Ang mahalaga kasi dito mapabuti ang sitwasyon ng Bustos Dam para hindi makaapekto sa mga tao, sa mga Bulakenyo. Binibigyan po natin ito ng pagsubaybay. Gusto kong bigyan ng positibong
pananaw ang mga tao na ‘wag silang matakot, gusto ko silang bigyan ng assurance through sustained action and monitoring para sa kanilang kaligtasan sa lahat ng sandali,” anang gobernador.
Idinagdag ng gobernador na kahit isa lamang sa anim na rubber gates ang nasira, tuluy-tuloy ang pakikipag-ugnayan niya sa NIA at pagtutulak ng rehabilitasyon ng lahat ng rubber bladders na
gagamitan ng de-kalidad na materyales na napagkasunduan ng Pamahalaang Panlalawigan, NIA, at ng kontraktor.
Dalawang taon matapos ang rehabilitasyon nito, bumigay ang rubber gate sa Bay 5 ng Bustos Dam noong unang linggo ng Mayo, 2020. (ELOISA SILVERIO)
245 