ERWIN TULFO SA MV JUNE ASTER: MGA BIKTIMA ‘WAG ABANDONAHIN

HINIMOK ni Senador Erwin Tulfo ang pamahalaan na bilisan ang aksyon upang matiyak ang maayos na pagbibigay ng danyos sa mga biktima ng trahedya sa M/V June Aster, ang passenger ferry na nasunog sa Coron, Palawan noong Setyembre 9.

Umabot sa 77 ang nasawi habang walo ang nawawala sa insidente, na tinukoy ni Tulfo bilang isa sa pinakamalalang maritime tragedies sa bansa nitong mga nakaraang taon.

“Nakakakilabot at napakasakit po ng nangyaring ito. Hindi tayo pwedeng manahimik lang at pabayaan ang mga naulilang pamilya at ang mga survivors na labis na na-trauma,” pahayag ni Tulfo.

Ang panawagan ng senador ay kasunod ng mga ulat na natanggap niya mula sa mga nagdadalamhating pamilya na umano’y pinauwi na lamang at pinaghihintay sa mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay.

Ayon sa mga biktima, pinabayaan na umano sila ng operator ng ferry na Atienza Interisland Ferries Inc. matapos ang insidente.

“Hindi po parcel ang labi ng kanilang pamilya! Puno ng pangarap yung mga kababayan natin na lumayag mula sa Baseco Port, tapos ay mamamatay, mato-trauma, at papabayaan lang? Kawalan ng hustisya ito!” ani Tulfo, na nagmula rin sa Palawan.

Muling hinimok ni Tulfo ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) na bilisan ang imbestigasyon at tiyaking mapapanagot ang ferry company kung mapatunayang may pananagutan ito sa trahedya.

“Ano ba talaga ang nangyari sa ferry na iyon? May mga inilagay ba doon na peligrosong kargamento? At bakit sa mga nakikitang video ng mga survivor, parang walang emergency protocols na sinunod noong sumiklab ang sunog?” tanong ng senador.

Idinagdag ni Tulfo na kailangan ding matiyak ang agarang tulong at danyos para sa mga survivors at pamilya ng mga nasawi.

“Ano na rin ang danyos sa kanila? Dumudulog sa aking opisina ang mga biktima dahil wala man lang tumutulong sa kanila mula sa kumpanya matapos ang sakuna. Hindi natin pwedeng palampasin ito,” dagdag niya.

Tiniyak ni Tulfo na dadalhin niya sa Senado ang usapin upang matiyak ang pananagutan para sa mga biktima at maisulong ang mga reporma sa sistema.

63

Related posts

Leave a Comment