AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
SABAY-SABAY na nag-uwian noong Agosto 2 ng gabi ang 288 na OFW mula sa bansang Kuwait lulan ng eroplano ng Philippine Airlines. Ito ang unang repatriation flight sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Karamihan sa mga OFW na nagsiuwi ay mga maituturing na distressed OFW na matagal nang nakabinbin sa Talha Deportation Center-Kuwait at sa Philippine Overseas Labor Office-OWWA Bahay Kalinga.
Kabilang sa mga umuwi ay ang tatlong OFW na may malubhang karamdaman na cancer at pati na rin ang munting mga bata na matagal nang hindi makauwi dahil sa problema sa mga dokumento at kakulangan ng pera ng mga magulang nito.
Ayon na rin sa tagubilin ni Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople, agad nating hinagilap ang mga OFW na may mga karamdaman upang masiguro na ang mga ito ay matutulungan na maendorso sa pagamutan kung kinakailangan.
Kabilang sa aking nakausap ay si Elsa Ethona, 40 taong gulang na hinihinalang may cancer base sa kanyang medical report. Agad tayong nakipag-ugnayan sa ospital sa Quezon City upang idulog ang problema ani Elsa. Sa oras na matapos ang kanyang quarantine sa Kingsford Hotel ay agad natin siyang sasamahan sa ospital.
Samantala, bago pa dumating ang eroplano ay inaasahan ng tropa ng DMW ang pagdating ng 287 na pasahero, ngunit nang magbukas na ang eroplano ay natuklasan na ang sakay na pasahero ay naging 288 dahil sa hindi inaasahang pagluwal ng isang sanggol habang ang eroplano ay nasa himpapawid.
Maituturing na isang biyaya talaga ang ganitong kaganapan lalo na sa mga OFW na nagsidating. Hindi matatawaran talaga ang kanilang kagalakan nang sila ay magsilabas sa pinto ng eroplano.
Marami sa kanila ay masaya na nagsilabas ng eroplano pero sa oras na lumagpas sa counter ng Bureau of Quarantine ay nagulat na lamang kaming mga sumasalubong sa bigla nilang pag-iyak.
Ayon sa aking nakapanayam na si Reylin, hindi raw nila talaga mapigilan ang pag-iyak lalo na noong makita na nila na may mga kinatawan na ng OWWA na sumasalubong sa kanila dahil doon lamang daw nila nararamdaman na talagang ligtas na sila at nasa pangangalaga na ng ating gobyerno.
Labis-labis ang pasasalamat ng ating mga OFW kay Pangulong Marcos lalo na kay Executive Secretary Vic Rodriguez, dahil sa pagpapaabot nito ng kanilang kalagayan kay PBBM na naging dahilan ng pagkakaroon ng mass repatriation.
Simula pa ng panahon ng kampanya ay nakitaan na ng mga OFW ng tunay na pagmamalasakit si ES Vic Rodriguez kung kaya masasabing may bago nang “Kuya” ang mga OFW sa katauhan ni ES Vic Rodriguez.
Ang partnership o magandang ugnayan nina Sec. Ople at ES Vic Rodriguez ang kasagutan sa matagal nang hinahanap-hanap na klase ng serbisyo ng mga OFW.
Gayundin ay nagpasalamat ang ating mga OFW sa Department of Foreign Affairs lalo na kay OUMWA Undersecretary Eduardo Jose De Vega na siyang nangasiwa sa pagsasagawa ng repatriation Flight.
206 