DINAKIP ng mga operatiba ng Mendez Police Station (Cavite) ang isang wanted na estapador matapos silang dumayo sa San Gabriel, La Union upang isilbi ang warrant of arrest laban sa suspek.
Pansamantalang nakakulong sa detention cell ng San Gabriel Municipal Police Station ang suspek na si alyas “Dem” bago ibalik sa court of origin sa Mendez, Cavite.
Sa ulat, dakong 1:05 ng madaling araw ng Huwebes nang arestuhin si Dem sa kanyang bahay sa Brgy. Poblacion, San Gabriel, La Union.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang Mendez MPS na namataan at nakumpirmang nasa La Union ang suspek. Agad na nakipag-ugnayan ang Cavite police sa San Gabriel MPS, na nagresulta sa matagumpay na pag-aresto.
Isinilbi sa suspek ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Lily Dava Lavarda, Presiding Judge ng Municipal Trial Court, Fourth Judicial Region, Kawit, Cavite, kaugnay ng kasong paglabag sa Article 315 Paragraph 1(b) ng Revised Penal Code (Estafa).
Naglaan ng P35,000 piyansa ang suspek para sa pansamantalang paglaya nito.
(SIGFRED ADSUARA)
4
