ARESTADO si Richard “Ricky” Recto, dating vice governor ng Batangas, dahil sa iba’t ibang uri ng armas na hindi lisensyado na nakumpiska ng mga tauhan ng PNP Anti-Cybercrime Group at Eastern Police District (EPD) sa lungsod ng Pasig.
Batay sa ulat ni PNP-ACG OIC P/BGen. Bowenn Joey Masauding, si Recto ay nahuli sa implementasyon ng warrant to search, seize, and examine computer data (WSSECD) nang ireklamo ito ng dating nobya dulot ng umano’y paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act.
Sa nabanggit na operasyon, nakumpiska ng operating team ang samu’t saring digital devices, gayundin ang ilang unregistered firearms na kinabibilangan ng isang 12-gauge shotgun, dalawang 9mm, isang caliber .25, at isang caliber .40.
Habang nasugatan naman sa braso ang isa sa mga operatiba matapos umano itong atakehin ng dating bise gobernador habang sinisiyasat ang nakumpiskang items.
Wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Recto hinggil sa mga alegasyon laban sa kanya.
Nahaharap ang suspek sa dagdag na mga reklamong paglabag sa Article 148 o Direct Assault Against an Agent of Person In Authority ng Revised Penal Code, at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (ENOCK ECHAGUE)
