NANAWAGAN si Sen. Grace Poe sa Malacañang na ikonsidera ang pagsuspinde ng koleksyon sa excise tax sa gasolina at diesel para mabawasan ang pahirap sa mga tsuper ng jeep, delivery rider, at sa mga nagbibiyahe ng ani ng mga magsasaka sa palengke sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Naipasa ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN Law) noong 2017 na nagpapatong ng excise tax sa mga produktong petrolyo umpisa noong 2018. Nagsimula ang excise tax sa diesel sa P2.50 kada litro noong Enero 2018, tumaas sa P4.50 noong Enero 1, 2019, at P6 kada litro noong Enero 1, 2020.
Para sa gasolina, nag-umpisa ang excise tax sa P8 kada litro noong Enero 2018, tumaas sa P9 noong Enero 2019, at sa P10 kada litro noong Enero 2020.
“Patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa walong magkakasunod na linggo. Mapapababa ng pamahalaan ang pabigat na ito sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagsuspinde sa koleksyon ng excise tax sa ngayon,” saad ni Poe.
Nabatid na pinakamalaking gastusin ng mga Filipino ay nakalaan sa pagkain at transportasyon.
Base sa mga budget document, ang koleksyon sa excise tax sa petrolyo at langis ay umabot sa P42.7 bilyon noong 2019 at nakaprograma na umabot sa P41.6 bilyon noong 2020. Nakikita na aabot ito sa P47.9 bilyon ngayong taon.
Ang koleksyon sa income tax mula sa mga kumpanya at enterprise ay umabot sa P586.16 bilyon noong 2019 at nakaprogramang maging P329.89 bilyon noong 2020. Inaasahan na aabot ito sa P304.83 bilyon ngayong taon.
Sinabi pa ni Poe na binabaan din ng pamahalaan ang taripa sa karne ng baboy at bigas ngayong taon sa kabila ng pagmamakaawa ng mga magsasaka na huwag itong gawin dahil mawawalan sila ng kabuhayan. (ESTONG REYES)
182
