(ESTONG REYES)
DISMAYADO si Senador Risa Hontiveros sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on health matapos matuklasan na nadoble ang bilang ng napasong bakuna laban sa COVID-19 nitong Agosto na umabot sa 8.42% mula sa 4.7% noong Hunyo.
Sa kanyang pagtataya, sinabi ni Hontiveros na umabot na sa mahigit 20.7 milyong bakuna ang nasayang nitong Agosto na nagkakahalagang P10.33B sa P500 kada bakunang binili ng nakaraang administrasyon.
“At this rate, by October, lampas na tayo sa threshold ng WHO. We might have accumulated vaccines faster than we could administer them. Nakakapanghinayang na parang patapon ang paggasta ng bilyong piso para dito,” ayon sa senador.
Naunang sinabi ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na hindi lalampas sa 10% pamantayan ang vaccine wastage na itinakda ng World Health Organization (WHO).
“Our vaccine program is leaking billions of pesos, both of which we sorely need for reopening our economy. Figuring out what is driving the vaccine wastage should be top priority,” aniya.
Pero, sinabi ni Hontiveros na dapat ilantad ng DOH ang kanilang plano kung paano mapabibilis ng administrasyon ang pagbabakuna sa gitna ng maraming nasasayang.
Tinukoy pa niya na nitong pagtatapos ng Mayo 2022 tinudla ng DOH na aabot sa 90 milyon ang mababakunahan pero lumilitaw nitong Agosto na umabot lamang sa 72 milyon ang fully vaccinated.
Dahil dito, hinikayat ni Hontiveros ang DOH na lumikha ng mekanismo sa transparency upang matukoy ang tunay na bilang ng nabakunahan at kung magkano nagagastos ng pamahalaan.
196 