DPA ni BERNARD TAGUINOD
WALANG Pilipino ang nagulat sa rebelasyon ni Russian vlogger Vitaly Zdorovetskiy ukol sa corruption sa kulungan ng Pilipinas na kanyang personal na naranasan habang siya ay nakakulong dahil sa pagiging undesirable alien.
Magugulat lang ang mga tao kapag sinabi ni Zdorovetskiy na walang corruption siyang naranasan dahil isang himala ‘yun kaya hindi na malaking isyu ang kanyang sinabi na nagbayad siya kaya nakapag-record siya sa loob ng kulungan.
Matagal nang alam ng mga Pilipino ang katiwalian sa kulungan kasama na ang pinatatakbo ng Bureau of Immigration (BI), na ang mga preso nila o ‘yung tinatawag na PDL as in Person Deprived of Liberty, ay mga dayuhan.
Ang problema ay may ebidensya si Zdorovetskiy na nagpapatunay sa kanyang alegasyon dahil may mga video siya sa loob ng kanyang selda. Kung wala siguro siyang video ay pwedeng sabihin na hearsay pero may video eh.
Hindi naman magkakaroon ng cellphone si Zdorovetskiy sa loob ng kulungan kung hindi siya pinayagan kapalit ng lagay kaya matibay ang kanyang alegasyon na hindi pwedeng itanggi ng BI.
Noon pa man ay marami nang tsismis dyan sa kulungan ng BI kaya may mga balita na may Chinese PDL ang nakatakas diyan ‘di ba? Kung meron man silang CCTV dyan, sila-sila lang naman ang may access.
Kung nangyayari ang corruption sa maliit na kulungang pinatatakbo ng BI, mas nangyayari ‘yan sa malalaking mga kulungan tulad ng New Bilibid Prison na nasa ilalim ng Bureau of Correction (BuCor).
Kaya nga may mga balita na ‘yung mga drug lord na nakakulong sa Bilibid ay nakapag-ooperate pa ng kanilang ilegal na negosyo kahit nasa loob sila na hindi nila magagawa kung wala silang cellphone.
Imposibleng hindi alam ng BuCor officials na may cellphone ang mga drug lord na nasa kanilang kustodiya, na ginagamit sa kanilang ilegal na operasyon pero nagbubulag-bulagan sila kapalit ng “magkanong halaga?”
Noong namamayagpag ang tinaguriang mga siga sa Bilibid na sina Jaybee Sebastian, Herbert Colango, at Peter Co ay meron silang sariling marangyang kubol na hindi mangyayari kung wala silang lagay.
Maging sa local jails na nasa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at mga kulungan na nasa pangangasiwa ng provincial government, ay may balita rin na nagkakaroon ng corruption pero walang preso o PDL ang maglalakas-loob na magbunyag dahil sa takot nila.
25
