TINIYAK ng Philippine National Police ang patas na imbestigasyon sa kasong sexual assault na kinasasangkutan ng isang pulis.
Ito ang inihayag ni Acting PNP chief, PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kaugnay sa nangyaring insidente noong Disyembre ng nakaraang taon na inimbitahan umano ng pulis ang isang babae.
Ayon kay Nartatez, buo ang kooperasyon ng pulisya sa National Police Commission para sa administratibong imbestigasyon kaugnay ng nasabing insidente.
Batay sa salaysay ng biktima, nawalan umano siya ng malay at kanyang natuklasan na pinagsamantalahan siya ng suspek.
Ang mga hinaing ng nasabing biktima at ng kanyang asawa ay personal na pinakinggan ni Nartatez nitong Miyerkoles sa mismong tanggapan sa Kampo Crame.
Ayon kay Nartatez, ang PNP ay zero tolerance sa sinomang personnel sa hanay nito na masasangkot sa kriminal na aktibidad.
Tiniyak din ng PNP sa publiko na lahat ng kinakailangang hakbang ay gagawin ng ahensya para suportahan ang nasabing biktima at ang pamilya nito habang pinananatili ang integridad ng nasabing imbestigasyon.
(TOTO NABAJA)
42
