LALONG dumarami ang mga gawa-gawang pangalan na nakinabang umano sa confidential at intelligence funds (CIF) ni Vice President Sara Duterte-Carpio at ito ang kinakalkal ng House prosecution team batay sa mga dokumentong hawak nito habang naghihintay na maikasa na ang impeachment trial sa pangalawang pangulo.
Kahapon ay isiniwalat ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega, isa sa mga taga-pagsalita ng Kamara, na ang bagong batch na mga gawa-gawang pangalan ay katunog ng mga celebrity at high-profile personality.
Ayon sa mambabatas, ang mga bagong pangalan na kanilang nakalkal ay kinabibilangan nina ‘Honeylet Camille Sy’, ‘Feonna Biong’, ‘Feonna Villegas’, ‘Fiona Ranitez’, ‘Ellen Magellan’, ‘Erwin Q. Ewan’, ‘Gary Tañada’ at ‘Joel Linangan’.
“Hindi nakakatawa ang paulit-ulit na paggamit ng mga pekeng pangalan na parang hinugot mula sa sine at showbiz,” paglalarawan ni Ortega, na kung saan ang mga pangalan na ito ay kabilang sa mga isinumite umano ng pangalawang pangulo sa Commission on Audit (CoA) na tumanggap ng kanyang CIF.
Sinabi ni Ortega na sina Honeylet Camille Sy, Feonna Biong, Feonna Villegas at Joel Linangan ay nakalista bilang mga benepisyaryo sa P500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President’s (OVP) habang sina Fiona Ranitez, Erwin Q. Ewan, Ellen Magellan, Gary Tanada ay kasama umano sa mga nakatanggap sa P112.5 milyong pondo ng Department of Education (DepEd).
Tulad ng mga naunang mga kaduda-dudang pangalan tulad ng Chichirya Gang, Dodong Gang, Grocery Gang at Amuy Asim Gang, wala umanong birth, marriage at death certificate ang mga nabanggit sa Philippine Statistics Authority (PSA) kaya lalong lumalakas ang duda ng Kamara na napunta sa maling kamay ang nasabing pondo.
(PRIMITIVO MAKILING)
