1 PANG BASTOS NA LOCAL CANDIDATE PINAKAKALOS

MATAPOS kastiguhin ang isang congressional candidate sa Pasig City dahil sa suhestiyon nito sa mga single mother na sumiping sa kanya, nakatuon naman ang atensyon ni Gabriela Women’s party-list Representative Arlene Brosas sa mga sexist at discriminatory remark ni Misamis Oriental governor Peter Unabia.

Sa viral video, sinabi umano ng reeleksyonistang si Unabia na dapat magagandang babae lamang ang maging nurse dahil kapag pangit ay posibleng lumala ang kondisyon ng pasyenteng kanilang inaalagaan sa ospital.

“This is a gross display of misogyny and discrimination. Ito ay tahasang pambabastos, hindi lang sa mga nars, kundi sa buong hanay ng kababaihan,” dismayadong pinunto ni Brosas.

“Ang pagiging nurse ay batay sa kakayahan, kaalaman, at malasakit, hindi sa itsura. Hindi physical appearance ng nurses ang problema ng ating health system, kundi ang ‘pangit’ na pamamahala at pagpapabaya ng gobyerno sa kalusugan ng mamamayan,” dagdag pa ng mambabatas.

Aniya pa, dapat mas pagtuunan ng pansin ng mga kandidato ang kanilang pangangampanya sa mga social issue, kasama na ang mga kinakaharap na problema ng mga nurse at hindi dapat minamaliit ang mga hindi maganda sa paningin ni Unabia.

Tila hindi rin umano natuto ang gobernador sa karanasan ni Atty. Christian Sia na nagsabing ang mga single mother na nireregla pa ay pwedeng sumiping sa kanya at ito ang naging dahilan para kastiguhin ang abogado sa social media at ipatawag ng Commission on Elections (Comelec) para pagpaliwanagin.

Sinabi rin ni dating Kabataan party-list representative Sarah Elago na kailangang bantayan ng Comelec ang pangangampanya ng mga kandidato at tiyakin igagalang ng mga ito ang lahat ng mga sektor ng lipunan at kapag nagkamali ay panagutin.

(PRIMITIVO MAKILING)

40

Related posts

Leave a Comment