FIL-CANADIAN CITIZEN BAKIT HINDI NABIGYAN NG CLEARANCE NG NBI?

RAPIDO NI PATRICK TULFO

LUMAPIT sa aming programa ang asawa ni Mr. Danilo Calarde Franco ukol sa pagtanggi ng National Bureau of Investigation (NBI) na bigyan ito ng panibagong clearance nang mag-apply ito.

Ayon sa kuwento ng kabiyak ni Mr. Franco, lumabas sa record ng NBI na mayroong kasong theft si Danilo sa Prosecutor’s Office ng San Mateo, Isabela na isinampa noong Pebrero 2, 1979.

Hindi naman ito itinanggi ni Danilo pero ayon dito, natapos o naayos na ang kasong ito at bilang katunayan ay ipinakita sa amin ang certification ng Municipal Trial Court ng San Mateo bilang katunayan na wala itong nakatenggang kaso, kriminal man o civil.

Nabigyan din ng NBI clearance si Danilo ng dalawang beses noong June 27, 2006 at July 17, 2008 bago ito umalis ng bansa.

Ngayon ay isa nang Canadian citizen si Danilo Franco kasama ang kanyang pamilya sa Canada.

Ang tanong, bakit hindi lumabas sa record ng National Bureau of Investigation ang kaso ni Danilo noong una at ikalawang beses na kumuha ito ng clearance.

Bakit hindi rin tinanggap ng NBI ang court clearance na galing sa Municipal Trial Court ng San Mateo sa Isabela na kinuha ng kanyang mga kaanak?

Aalamin natin sa NBI kung bakit hindi nabigyan ng NBI clearance si Mr. Franco kahit pa dalawang beses na itong nakakuha dati.

—————————————————————————————————————————————–

Sisingilin ng NLEX management ang may-ari ng truck na sumira sa Marilao interchange at naging dahilan ng mabigat na daloy ng trapiko ilang araw na ang nagdaan.

Ayon kay Robin Ignacio, ang Senior Traffic Operations Manager ng NLEX at SCTEX, kinasuhan na nila ang may-ari ng naturang truck para masingil nila ito sa gastos sa pagpapakumpuni ng tulay.

Sa aking panayam kay Mr. Ignacio nito lang sa aking programa sa DZME 1530khz, sinabi nitong nakalusot sa kanilang height monitoring ang naturang truck dahil nanggaling ito Valenzuela exit.

Ngayon daw ay hinigpitan na nila ang pagmo-monitor ng mga truck na pumapasok sa NLEX upang masiguro na sumusunod ito sa 4.72 meters na taas ng mga ito upang hindi sumabit sa mga tulay o interchanges.

13

Related posts

Leave a Comment