Filipino Heritage Night ng Golden State Warriors

NOONG Nobyembre 7, araw ng Linggo, ipinagdiwang ng Golden State Warriors ng NBA ang taunang Filipino Heritage Night sa pamamagitan ng 120-107, demolisyon sa Houston Rockets.

Ang masayang gabing iyon ang una sa dalawang Filipino Heritage Nights na handog ng koponan mula Bay Area sa kanilang mga tagasunod na Pilipino sa California at maging sa ibang bahagi ng U.S. of A. Ang pangalawang edisyon ng mayamang tradisyon ng mga Pilipino sa NBA ay gaganapin sa Nobyembre 21.

Gumawa si Jordan Poole ng 25 puntos at si Steph Curry ay 20 puntos para pangunahan ang Warriors sa ika-8 panalo nila at dalhin ang koponan sa itaas ng team standings sa West Conference. Target ng team na muling makapasok sa playoffs matapos mabigo sa nakalipas na dalawang seasons.

Ang Filipino Heritage Night ng Warriors ay isang group ticket event sa malaking komunidad ng mga Pilipino sa Bay Area para madaling makabili ng tiket sa mga laro ng Warriors na nagsimula pa noong 1970s, sa panahon ng Fil-Am na si Raymond Townsend na kinikilalang kauna-unahang Pilipino–Amerikanong nakapaglaro sa pinakamatandang liga propesyonal sa basketball sa daigdig. Ang taunang paggunita ay patuloy na lumago sa pagdaan ng mga taon, at ngayon ay ginaganap na ng dalawang beses kada taon.

Gabi rin ito para ipagdiwang ang mga ­ipinagmamalaking kultura ng mga Pinoy, kabilang na ang masasarap na pagkain sa bansa. At siyempre, para magkita-kita ang fans ng Warriors sa California at iba’t ibang panig ng USA.

Sa isang interbyu sa pagdiriwang noong 2015, sinabi ni Maria Valdehueza ng Filipina American Warriors Group: “We have done this already for at least eight seasons now. We get at least 5,000 Filipino fans of the 20,000 seating ­capacity of the Oracle every heritage night. And I attribute the growth of the number of fans to having a great basketball team in the current NBA world champions. Of course, the Filipino community loves basketball. Everybody wants to bring the family – their lolos, lolas, their neighbors – they want to bring whoever they can to celebrate basketball and culture.”

Si Townsend, kauna-unahang Fil-Am na manlalaro sa NBA ay isinilang noong Disyembre 20, 1955 sa San Jose, California. Ang mga magulang niya ay sina Virginia Marella, isang Pilipina mula Balayan, at Amerikanong si Ray Sr. Ang kapatid ni Ray Jr. na si Kurtis ay assistant coach sa Kansas Jayhawks, na nanalo sa 2008 NCAA Championship.

Unang sumikat ang 6 ft 3 guard sa Camden at Archbishop Mitty High ng San Jose, bago kinuha ng UCLA para maglaro sa ­Bruins. Napili siya ng Warriors noong 1978 Round 1 pick, 22nd overall. Numero 11 ang jersey uniform niya sa ­Warriors hanggang 1985, ngunit huli siyang naglaro sa NBA para sa koponan ng Indiana ­Pacers noong 1982.

Miyembro si Townsend ng 1975 UCLA National Basketball Championship team ng maalamat na coach na si John Wooden. At makaraan ang kanyang basketball ­playing career, siya ay nagtrabaho bilang youth sports development coordinator sa San Jose. Siya ay pinarangalan bilang UCLA Filipino Alumni Association’s Distinguished Alumnus of the Year noong Mayo 2, 2009.

162

Related posts

Leave a Comment