NAITALA ang ilang insidente ng fish kill sa ilang bahagi ng baybayin ng Odiongan, Romblon, na iniuugnay ng Municipal Agriculture Office o MAO sa matinding init at pagtaas ng temperatura ng tubig-dagat na dulot ng El Niño.
Ayon sa MAO ng Romblon, kabilang sa mga naapektuhan ang Barangay Canduyong at ilang bahagi ng Barangay Libertad at Gabawan.
Ipinaliwanag ng MAO na maaaring maapektuhan ang maliliit na organismo at isda sa mabababaw na bahagi ng dagat kapag mataas ang temperatura ng tubig, lalo na kapag tumatapat ang low tide sa tanghaling tapat.
Dahil dito, napipilitan umanong pumalaot nang mas malayo ang mga marginal fisherfolk upang makapangisda, dahil umaalis din ang mga isda sa mabababaw at mas maiinit na bahagi ng dagat.
Tinatayang higit 2,000 rehistradong mangingisda at nasa 50 backyard fishpond operators sa Odiongan ang maaaring maapektuhan ng ganitong kondisyon, lalo na habang nagpapatuloy ang tagtuyot.
Patuloy namang mino-monitor ng Municipal Agriculture Office ang kondisyon ng mga baybayin at pangisdaan sa lugar.
(NILOU DEL CARMEN)
67 