MALABO pang ituring ng Department of Justice (DOJ) na “fugitive from justice” si Batangas 1st District Congressman Leandro Leviste, taliwas sa naunang pahayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag.
Sa regular press conference ng DOJ, sinabi ni OIC Senior Deputy State Prosecutor Herbert Calvin Abugan na sinusunod ng kagawaran ang tamang proseso at may itinakdang panahon bago tuluyang maituring na pugante ang isang akusado.
Kabilang dito ang hindi pagharap ni Leviste sa itinakdang hearing ng Makati Regional Trial Court (RTC) at ang kabiguang humarap sa kanyang arraignment.
Ayon naman kay Justice Secretary Fredderick Vida, nasa mga prosecutor pa rin ang pagpapasya kung paano isusulong ang kaso laban sa mambabatas, kabilang ang mga legal na hakbang na maaaring gawin laban sa kanya.
Kabilang dito ang posibleng pagdedeklara kay Leviste bilang fugitive from justice at pagkansela ng ilang dokumento o travel privileges na maaaring may kaugnayan sa kaso.
Samantala, sinabi ng abogado ni Leviste na si Atty. Tony La Viña na nakatakdang bumalik sa Pilipinas ang kanyang kliyente upang personal na humarap sa korte at makapagpiyansa ng P72,000 sa kasong paglabag sa Public Service Act.
Ayon kay La Viña, hindi na niya maaaring talakayin ang mga detalye ng kaso dahil sub judice na ito, ngunit itinuring niyang maliit lamang ang kasong kinakaharap ng mambabatas.
Bailable umano ang kaso at hindi mabigat ang parusang maaaring ipataw kaya walang dahilan para ituring na pugante si Leviste.
Gayunman, pinalagan ni Secretary Vida ang pahayag ni Leviste na “sisiw” lamang o maliit ang kinakaharap niyang kaso.
Binigyang-diin ni Vida na mahalaga ang pagsunod sa batas at proseso ng korte, anuman ang bigat ng kasong kinakaharap.
Sinabi ng kalihim na maaaring maliit para kay Leviste ang halagang P72,000 na piyansa, ngunit mas mahalaga ang paggalang sa batas at mga prosesong itinakda ng korte upang mapanatili ang kaayusan.
Dagdag pa ni Vida, bilang isang mambabatas, nararapat lamang na igalang ni Leviste ang mga prosesong itinakda ng batas.
Umaasa ang DOJ na haharap si Leviste sa korte at susunod sa mga legal na proseso kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanya.
(JULIET PACOT)
99 