FLASH FLOODS RUMAGASA SA LUCENA CITY

TINATAYANG nasa mahigit 1,600 pamilya ang nalubog sa baha kaninang madaling araw nang magdulot ng flash floods sa 13 barangay sa lungsod ng Lucena ang walang tigil na pag-ulan sa magdamag.

Kabilang sa mga lubos na naapektuhan ay ang mga Barangay 1, 4, 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11, na pawang nasa city proper at ang mga barangay na nasa katabing ilog na Marketview, Cotta, Ibabang Dupay at Ibabang Iyam.

Ayon sa mga residente, dakong alas-2:00 kaninang madaling araw nang biglang lumaki ang tubig at agad pumasok sa mga kabahayan.

“Napakabilis, limang minuto lamang at abot na agad sa hanggang dibdib ang tubig kaya wala na kaming naisalbang mga gamit,” ayon kay Noriel Diño, isa sa mga naapektuhan ng pagbaha sa Barangay Cotta.

Nagtakbuhan na lamang ang mga residente sa matataas na lugar at iniwan na ang kanilang mga tahanan.

Nahakot naman sa mga evacuation center ang ibang nakalayo sa mga binahang lugar.

Batay sa tala ng Lucena Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa kabuuang 1,662 pamilya ang naapektuhan ng pagbaha.

Mahigit din sa 1,000 indibidwal ang pansamantalang nakisilong sa mga evacuation center.

Dakong alas-7:00 na ng umaga nang magsimulang bumaba ang tubig at magbalikan ang mga residente sa kanilang mga tahanan.

Doon na tumambad sa mga ito ang kanilang mga nasirang kagamitan at maging ang mga namatay na alagang hayop tulad ng mga manok at baboy.

Wala namang naiulat na residenteng nasaktan o namatay sa trahedya.

Ayon sa mga awtoridad, ang biglaang pagtaas ng tubig ay dahil sa pag-apaw ng dalawang malaking ilog kung saan nakapagitna ang Lucena City.

Ang mga ilog ng Iyam at Dumacaa ay parehong nanggagaling ang tubig sa kalapit na kabundukan ng Banahaw na binayo rin ng matinding pag-ulan sa nakalipas na dalawang araw.

Apektado rin ang pag-aaral ng mga estudyante matapos mabasa ang kanilang printed modules na ipinamahagi ng mga paaralan.

Agad namang nagbigay ng ayuda ang pamahalaang lokal sa mga apektadong residente. (NILOU DEL CARMEN)

345

Related posts

Leave a Comment