FLECO NAKAKUHA NG NEW FRANCHISE SA TULONG NI CONG. PRESLEY DE JESUS

TARGET COLUMN NI KA REX CAYANONG

ISANG mahalagang tagumpay ang naitala para sa sektor ng enerhiya sa Laguna matapos aprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang legislative franchise application ng First Laguna Electric Cooperative, Inc. (FLECO) sa pamamagitan ng House Bill 11042.

Sa boto na 172-0-0, ang pagkakaloob ng prangkisa sa FLECO ay magbibigay-daan para sa patuloy na pagseserbisyo nito sa mga bayan ng Cavinti, Pagsanjan, Lumban, Kalayaan, Paete, Pangil, Siniloan, Famy, Mabitac, at Sta. Maria.

Sa ilalim ng panukalang batas, binibigyan ng mandato ang FLECO na magtayo, mag-install, at magpatakbo ng distribution systems para sa paghahatid ng kuryente sa mga konsyumer.

Bilang electric cooperative na itinatag noong Abril 3, 1973, sa ilalim ng Presidential Decree 269, ang FLECO ay nagtagumpay na maabot ang 100% energization ng 11 bayan, 164 barangay, at 76,339 kabahayan sa sakop nitong lugar.

Ang matagumpay na pagkakamit ng prangkisa ay patunay ng dedikasyon ng FLECO sa pagbibigay ng maaasahan at abot-kayang kuryente.

Sa loob ng anim na magkasunod na taon, naabot nito ang AAA categorization at 99% overall performance rating mula sa National Electrification Administration (NEA). Ang ganitong antas daw ay nagsisilbing inspirasyon sa iba pang electric cooperatives na gawing modelo ang sistema ng FLECO.

Ang papel ng mga lider ng Kongreso tulad nina Deputy Minority Leader Presley De Jesus ng PhilRECA Party-List at Assistant Minority Leader Sergio Dagooc ng APEC Party-List ay mahalaga sa pagkakamit ng milestone na ito.

Aba’y ang kanilang patuloy na pagtutulak ng mga panukalang batas na naglalayong mapabuti ang serbisyo sa enerhiya ay nagdadala ng bagong pag-asa sa mga komunidad.

Ngunit hindi rito nagtatapos ang laban para sa mas maayos na distribusyon ng kuryente.

Bagama’t kahanga-hanga ang track record ng FLECO, nananatili ang hamon na tiyaking ang serbisyong ibinibigay ay magiging sustainable, abot-kaya, at may mataas na kalidad, lalo na sa gitna ng mga pagbabago sa teknolohiya at tumataas na pangangailangan sa enerhiya.

Ang pagkakamit ng prangkisang ito ay hindi lamang tagumpay ng FLECO kundi ng buong probinsya ng Laguna.

Isa itong paalala na sa tulong ng pagkakaisa ng gobyerno, sektor ng enerhiya, at mga komunidad, makakamit ang mas maliwanag na kinabukasan para sa lahat.

Patuloy nating suportahan ang mga inisyatibong tulad nito, na naglalayong dalhin ang progreso at kalinga sa bawat tahanan.

Nananatiling ang FLECO, bilang halimbawa ng dedikasyon at mahusay na serbisyo— ay isang inspirasyon na dapat ipagpatuloy ng iba pang electric cooperatives sa bansa.

8

Related posts

Leave a Comment