‘FREE ELECTRICITY’ ITINULAK SA KAMARA

KUNG hindi lalampas sa P2,000 ang buwanang bill mo sa kuryente, posible kang mag-zero balance.

Ito ang layunin ng House Bill 2700 o “Free Electricity for Low-Consumption Households Act” na inihain ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.

Sa ilalim ng panukala, ang mga kabahayang kumokonsumo ng hanggang 135 kWh kada buwan ay mabibigyan ng libreng kuryente sa pamamagitan ng Direct Government Subsidy.

“This bill seeks to institutionalize a Direct Government Subsidy for low-consumption households… phasing out the current system of cross-subsidization,” ani Marcos.

Sa kasalukuyan, ang subsidy para sa indigent consumers ay ipinapasa sa ibang customers at may kasamang 12% VAT. Sa bagong sistema, gobyerno na ang direktang sasagot at aalisin ang VAT sa naturang subsidy.

Kapag lumagpas sa 135 kWh o P2,000 ang bill ng isang household, hindi ito kwalipikado sa subsidy. Maaaring makabalik sa programa kapag bumaba muli ang konsumo.

May dalawang taong transition period kung saan sabay na ipatutupad ang lumang lifeline rate at ang bagong Direct Government Subsidy upang hindi maantala ang benepisyo.

Binanggit din ni Marcos na sa mga bansang ASEAN gaya ng Indonesia, Vietnam, Thailand, Singapore, Myanmar at Lao PDR ay may iba’t ibang antas na ng libreng kuryente habang sa Pilipinas ay lifeline rate pa lamang ang umiiral.

Umaasa ang mambabatas na agad itong maipasa upang mas maraming pamilyang Pilipino ang makinabang.

(TINA MENDOZA)

4

Related posts

Leave a Comment