PINAG-AARALAN na ng Department of Health ang pagbibigay ng libreng pay wards o shared rooms sa mga DOH-run hospital para sa mga direct contributor ng PhilHealth.
Ayon kay PCO Undersecretary Claire Castro, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Marcos na tiyaking makatatanggap ng mas maayos na serbisyong medikal ang mga Pilipino.
“Mag-uutos ito sa lahat ng DOH hospitals na maging zero balance billing ang mga pay wards para sa mga direct contributors ng PhilHealth,” pahayag ni Castro.
Ipinaliwanag na ang pay wards ay hiwalay sa kasalukuyang basic accommodation na saklaw ng zero balance billing.
Pinamumunuan ni Health Secretary Ted Herbosa ang pag-aaral para sa posibleng paglabas ng department memorandum circular kaugnay ng programa.
Layunin umano ng inisyatiba na mas mapabuti ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan at matiyak na walang Pilipinong mahihirapang magpagamot.
(CHRISTIAN DALE)
3
