GAGAMIT NG PLASTIC BAGS DARAGDAGAN NG BUWIS

(NI ABBY MENDOZA)

SA layuning maiwasan na ang paggamit ng plastic bags, umarangkada na sa Kamara pagdinig sa pagpapataw ng excise tax sa mga single-use plastic bags.

Sinimulan na ng House Ways and Means Committee ang pagtalakay sa House Bill 178 na inihain nina Nueva Ecija Rep Estrelita Suansing at Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing na naglalayong amyendahan ang National Internal Revenue Code.

Sa ilalim ng panukala ay papatawan ng P10 excise tax ang kada kilo ng single used plastic bags simula Enero 1, 2020.

Umangal si Philippine Plastic Industry Associaiton President Willy Go, aniya, sakaling ipatupad ang dagdag buwis ay tuluyan nang mamamatay ang industriya ng plastic, aniya, sa kasalukuyan nga ay lugmok na ang industriya dahil sa mga ordinansa ng mga Local Government Units na nagbababan na sa paggamit ng plastic sa kani-kanilang mga lugar.

Hirit pa ni Go sa komite  na ang mga makakapal na plastic na lamang ang syang patawan ng dagdag na buwis at hindi na ang mga maninipis o mga single-use plastic bags, umaasa umano ito na pag aralan muna nang mabuti ang panukala dahil sa maaaring economic impact nito.

Aminado si Philippine Amalgated Supermarket President Steven Cua na walang maaaring ipalit sa plastic dahil sa tibay nito, suhestiyon ni Cua na mas dapat na isulong ng mambabatas ay paggamit ng mga reusable o eco bags.

Samantala iminungkahi naman ni House Minority Leader Benny Abante na hindi pagpataw ng buwis sa plastic bags ang solusyon sa problema sa plastic, giit ni Abante, dapat tuluyan nang i-ban ang paggait ng plastic dahil wala itong naidudulot na maganda sa kalikasan.

Iminumungkahi pa ni Abante na ang buwisan ay ang reusable plastic upang malimitahan din ang paggamit nito.

 

164

Related posts

Leave a Comment