NAGSIMULA nang magpakilala ang mga personalidad na nagnanais makasungkit ng posisyon sa susunod na administrasyon noong nakaraang linggo. Hindi naging hadlang ang pandemyang COVID-19 sa opisyal na pagsisimula ng pagsusumite ng certificates of candidacy (COC) para sa 2022 national elections.
Ngayon, higit kailanman, lubhang mahalaga ang siguruhin na tayo ay rehistrado para bumoto. Gamitin ang karapatang makapagtala ng boto sa kung sino ang pinaniniwalaang magiging mahusay na lider ng bansa sa susunod na eleksyon. Kung hindi pa nakakapagpa-rehistro, huwag na palagpasin ang pagkakataon ngayong pinalawig ng Commission on Elections (Comelec) ang panahon ng pagpaparehistro. Mula sa orihinal nitong deadline na ika-30 ng Setyembre, pinalawig ito hanggang sa katapusan ng buwan ng Oktubre.
Gaya ng mga nagdaang eleksyon, hindi maiiwasan na ito rin ang magiging pangunahing usapin. Ito ang karaniwang laman ng balita, at karaniwang paksa sa social media. Marami rin ang nagpapahayag ng kanya-kanyang opinyon at pananaw sa iba’t ibang social media sites.
Ang usapang pulitika ay maituturing na isang sensitibong paksa dahil sa maaaring pagkakaiba-iba sa opinyon at pananaw ng bawat isa.
Dapat isaisip na mahalagang maging responsable sa ano mang ipo-post sa sariling account. Mag-ingat kung paano ito sasabihin at mas mainam mag-pokus na lamang sa pamamahagi ng impormasyon ukol sa kung ano ang pinaniniwalaan. Hindi dapat husgahan ang sino man batay sa kung sino ang kandidatong iboboto nito.
Maaaring dahil sa tindi ng ating paniniwala ay hindi natin napapansin na masyado na natin itong itinutulak sa ibang tao na mayroong sariling pananaw na iba sa ating pinaniniwalaan. Alalahanin na hindi kinakailangang humantong sa pag-aaway ang pagkakaroon ng magkaibang opinyon o ng gustong kandidato.
Ang respeto sa pananaw at opinyon ng ibang tao ay isang mahalagang bagay lalo na ngayong panahon ng eleksyon. Maaaring magkaroon ng maayos na diskurso kung saan maaaring ipaliwanag nang maayos ang paniniwala. Sa ganitong pagkakataon, sa halip na hikayatin ang isang indibidwal na maniwala sa iyong pinaniniwalaan, gawing layunin ang makinig.
Isang malaking bagay rin ang pagiging mapanuring botante. Kung mayroon nang napupusuan, makabubuti kung pansamantalang isantabi ang ‘bias’. Ang tunay na kritikal na botante ay nakikinig muna sa plataporma at plano ng bawat kandidato bago nagdedesisyon sa kung sino ang iboboto.
Tayo ay nasa kritikal na panahon. Patuloy ang ating laban kontra COVID-19 at kasabay nito ay kinakailangang ding ibangon ang ekonomiya ng bansa. Sa ating paggamit ng karapatang bumoto nakasalalay ang hinaharap ng ating bansa. Dapat nating siguruhin na ang mga mailuluklok ay may sapat na karanasan, kaalaman, at tunay na may puso sa pagsisilbi sa bayan. Isantabi muna ang personal na interes.
Gamitin natin ang ating karapatan at huwag sayangin ang ating boto.
192