(NI NICK ECHEVARRIA)
KINUMPIRMA ni P/BGen. Debold Sinas, Director ng Police Regional Office sa Central Visayas na nakatanggap siya ng advance information na babakantehin na ni P/Col. Royina Garma sa lalong madaling panahon ang kanyang pwesto bilang hepe ng Cebu City Police Office.
Ginawa ni Sinas ang pahayg kasunod ng relief order kay P/Col. Manuel Abrugena bilang director ng Cebu Provincial Police Office na papalitan naman ni P/Col. Roderick Mariano, sa gaganaping turnover ceremony bukas.
Si Abrugena ay nanungkulan bilang Cebu Provincial Police Director sa loob ng mahigit isang taon na ngayon ay ililipat naman sa National Capital Region Police Office bago ito palitan ng kanyang classmate sa PNPA Class of 1995 na si Mariano.
Ayon kay Sinas hinihintay na lamang nila ang opisyal na report o order kaugnay sa natanggap na advance information at nagkausap na rin umano sila ni Garma.
Wala namang binanggit na pangalan kung sino ang papalit kay Garma at kung saan ito ililipat ng pwesto.
Nauna rito, may mga balita na maagang magre-retiro si Garma sa PNP para lumipat sa Philippine Charity Sweepstakes Office bilang general manager habang ayaw namang magkomento rito ng huli.
Sa isang Facebook post naman ni outgoing Cebu City councilor Joel Garganera, chair ng city’s Police Advisory Council, nagpahiwatig ito ng pagkumpirma sa paglipat ni Garma sa PCSO makaraang bisitahin ng una ang huli sa taggapan nito.
“I pay a visit this morning to our CCPO Police Dir. Royina Garma. In two weeks time, it will be a courtesy call to the Head Office of the General Manager of the Philippine Charity Sweepstakes Office” sabi ni Garganera sa kanyang post sa FB noong June 19.
