LUMALABO ang pag-asang umupo bilang Speaker ng mababang kapulungan ng Kongreso si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kung ang ikinikilos ng mga miyembro ng majority bloc sa Kamara ang pagbabasehan.
Sa pahayag ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta, tila nagpahiwatig ito na wala sa timing ang pagpapalit ng liderato ng Kamara lalo na ngayong nasa gitna ng pandemya ang bansa dahil sa COVID-19.
“May kasabihan tayo na mahirap magpalit ng kapitan sa gitna ng umaalimpuyong bagyo,” ani Marcoleta.
Aniya, bagama’t nagkaroon ng gentleman’s agreement sina House Speaker Alan Peter Cayetano at Velasco na maghahati ang mga ito ng termino sa ilalim ng 18th Congress, wala aniyang nakaaalam na magkakaroon ng pandemya na siyang pilit na tinutugunan ng Kamara kaya hindi umano ito dapat madiskaril.
Tila indikasyon ito na walang plano ang mga kongresista na magpalit ng liderato lalo na’t lumutang na kapag si Velasco ang uupong Speaker ay magkakaroon ng rigodon at hindi masusunod ang kasunduan na tanging ang Speaker at chairman ng House committee on accounts ang papalitan.
Habang isinusulat ito ay nagkakaroon ng caucus ang mga mambabatas kung saan naglabas ng manifest of support kay Cayetano ang iba’t ibang grupo ng kongresista tulad ng Cavite bloc.
Base sa impormante, mayorya umano sa mga mambabatas ang nagtutulak na huwag nang magpalit ng liderato at ipatapos kay Cayetano ang pamumuno sa 18th Congress.
“We reiterate our trust, confidence and support for Speaker Alan Peter Cayetano, to complete his full term as Speaker of the House of Representatives of the 18th Congress,” ayon sa pitong
congressmen ng Cavite na sina Reps. Bambol Tolentino, Jesus Cripisn Remulla, Elipido Barzaga Jr., Strike Revilla, Alex Advincula, Luis Ferrer at Francis Geral Abaya.
Ganito rin ang panawagan umano ng ibang grupo sa kanilang caucus sa pamamagitan ng zoom tulad ng kinakatawan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor.
“Ako po ay naninindigan at naniniwala, kasama po ang mga kasapi ng party-list at mga kaibigan sa iba’t ibang distrio, na dapat ipagpatuloy ang liderato ng ating kasalukuyang Speaker, Speaker Alan Cayetano,” ani Defensor.
APELA KAY PDU30
Dahil dehado si Velasco, umapela si Buhay party-list Rep. Lito Atienza kay Pangulong Rodrigo Duterte na mamagitan na sa nangyayari sa Kamara upang maipatupad ang term sharing agreement.
“Mr. President, please do not allow the breaking of this gentleman’s agreement to share terms. Otherwise, Congress is doomed to fail if palabra de honor and delicadeza are not followed,” ani Atienza.
Magugunita na si Duterte ang namagitan kaya nagkaroon ng term sharing agreement sina Cayetano at Velasco kung saan ang una ay mamumuno sa unang 15 buwan ng 18th Congress at ang huli naman ang Speaker sa natitirang 21 buwan.
“Speaker Cayetano assumed the Speakership on the basis of the term-sharing agreement between him and Cong. Velasco. They agreed upon that arrangement as suggested by Cayetano himself. They agreed to this in front of no less than President Duterte himself. Cayetano did not carry the majority numbers at that time, and Cong. Velasco did not ask for that to be a condition before he agreed to the agreement,” ayon pa kay Atienza. (BERNARD TAGUINOD)
131
