HINDI angkop bilang presidente at chief executive officer (CEO) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) si Dante Gierran.
Ito ang paniniwala ng chairman ng House committee on health na si Rep. Angelina Tan.
“If you’re going to ask me, straightforward, I think hindi,” ani Tan sa isang TV interview dahil marami umanong bagay sa PhilHealth ang hindi alam ng dating director ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang circular na nagsususpinde sa pagbabayad ng PhilHealth sa claims ng mga pribadong ospital sa loob ng 8 buwan na naging dahilan ng girian ng ahensya at mga doctor.
Bagaman hindi inirerekomenda ni Tan ang pagsibak kay Gierran sa ahensya, kailangan aniyang masunod ang Universal Health Care Act na ang itatalagang presidente at CEO ay dapat may nalalaman sa health insurance, health economy, and public health.
95M miyembro
Samantala, inamin ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na 95 million sa 109 milyon Pinoy ang rehistrado sa PhilHealth kung saan 50 million sa mga ito ay subsidized ng gobyerno.
“The short answer there is about 87 to 88 percent. So the balance there is the one that’s remained uncovered,” ani Duque sa pagdinig ng nasabing komite sa implementasyon ng Universal Health Care Act.
Nangangahulugan na umaabot sa 14 million Filipino ang walang nakukuhang benepisyo sa PhilHealth lalo na ngayong panahon ng pandemya sa COVID-19.
Kinumpirma naman ito ni PhilHealth Acting Vice President Lemuel Untalan kaya humihingi umano ang mga ito ng P71 billion bilang subsidy sa may 22 million miyembro.
“Right now po ‘yong proposal namin sa P71 billion fund for this year is about 22 million Filipinos po ‘yon, members. So ‘yon po ‘yong subsidized sa population…roughly po aabot po ng mga 50 plus (million) po,” ani Untalan. (BERNARD TAGUINOD)
262 