IMINUNGKAHI ng ilang health experts na muling isailalim sa mahigpit na lockdown ang Metro Manila.
Ito ay dahil patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa na pumalo na sa 63,001.
Una nang iminungkahi ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na itaas sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang classification sa National Capital Region (NCR), pero mas pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin ito sa general community quarantine (GCQ) hanggang sa July 31, 2020 kasunod ng panawagan ng mga alkalde ng Metro Manila.
Pero ayon kay dating Task Force Adviser Dr. Tony Leachon, ang deklarasyon ng ilang ospital na ang kanilang coronavirus wards ay puno na ay merito para sa pagpapatupad ng mas istriktong quarantine.
Binigyang diin nito na kailangang i-review ang case data linggo-linggo o kahit day-to-day at hindi lang dalawang beses sa isang buwan, lalo’t nakaaalarma na ang Pilipinas ay nangunguna sa Asya na may mataas na bilang ng active cases.
Giit ni Leachon, ang pagtaas sa bilang ay nangangahulugan na ang kasalukuyang estratehiya ay hindi epektibo at kailangan pa ng mas maraming resources para mapigilan na mahawa ang mas maraming Pilipino mula sa sakit. (ANNIE PINEDA)
