(NI HARVEY PEREZ)
IGINIIT nitong Sabado ni Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio dapat magkaroon ng matibay na paninindigan ang gobyerno ng Pilipinas laban sa ginawa ng isang Chinese vessel na bumangga sa isang fishing vessel ng mga Filipino na mangingisda na naka angkla sa isang bahagi ng West Philippine Sea noong Hunyo 9.
Dapat umano na makasuhan at pagbayarin ng Pilipinas ang kapitan ng naturang Chinese vessel.
Kasabay nito, tiniyak ni Carpio na hindi isang ordinaryong Chinese vessel ang ibinangga sa FB Gimver 1 na sinasakyan ng may 22 na mangingisda.
Sinabi ni Carpio na naniniwala siya na ito ay isang Chinese militia vessel dahil ito lamang ang may kakayanan na bumangga at ang mga crew nito ay mga sinanay at inorganisa ng People’s Liberation Army (PLA).
Nabatid na ang ganitong uri ng Chinese vessel rin ang bumangga ilang taon na ang nakakalipas sa isang Vietnamese vessel.
Malaki ang paniniwala ni Carpio na ang ginawa ng Chinese vessel ay isang paraan para itaboy ang mga Filipino na nangingisda sa WPS.
Iginiit pa ni Carpio na ang ginawa ng China ay isang maliwanag na paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Kamakailan ay namataan ang mga Chinese maritime militia vessels na pagala- gala sa karagatan sakop ng Pagasa Island at iba pang bahagi ng karagatan ng Spratly Islands at itinataboy ang mga mangingisdang Filipino.
