GIMIK NI LENI ‘DI PAPATULAN NI BBM – SPOX

bbm

HINDI sagot sa problema ng lipunang nagkawatak-watak bunsod ng pulitika ang debateng hamon ni Vice President Leni Robredo sa leading presidential candidate at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, ayon sa tagapagsalita ng pambato ng tambalang BBM-Sara UniTeam.

Sa isang kalatas, hayagang sinabi ni Atty. Vic Rodriguez na taliwas sa panawagang pagkakaisa ni Marcos ang pagpatol sa hamon para sa isang debate, lalo pa’t galing sa isang kandidatong aniya’y milya-milya ang hinahabol, siyam na araw bago sumapit ang takdang araw ng halalan.

“Sa debateng hamon kay presidential frontrunner Bongbong Marcos ay hindi ito kailanman mangyayari… alam ni Ginang Robredo ang dahilan,” ani Rodriguez.

Paglilinaw ng abogadong tagapagsalita at tumatayong chief-of-staff ni Marcos, hindi minamaliit ng dating senador ang kakayahang makalusot ni Robredo sa halalang nakatakda sa Mayo 9.

Gayunpaman, dapat aniyang maunawaan ng bise-presidente na magkaiba ang kanilang direksyon at estilo ng pangangampanya, sabay giit na mas nanaisin ni Marcos na tumugon sa mga katanungan ng mga mamamayang nakakadaupang palad sa patuloy na pag-iikot ng UniTeam sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Nauunawaan ko ang kabiguang naramdaman ni Ginang Robredo na makaharap sa isang pagtatalo at bangayan si presidential frontrunner na si Bongbong Marcos. Maaari po na silang dalawa, na parehong naghangad na maging pangulo ng republika, ay magkaiba ng paniniwala hinggil sa pamamaraan ng pakikipagtalastasan sa mamamayan,” sambit ni Rodriguez.

Dagdag pa niya, positibong pangangampanyang walang bahid ng paninira ang sandigan ng UniTeam – malayo sa walang puknat na patutsada ng mga katunggali sa pulitika.

“Positibong pangangampanya at walang paninira ang gabay ng UniTeam ni Bongbong Marcos… direkta sa taumbayan ang mga mensaheng pagkakaisa. Pawang mga negatibo, panlilinlang at paninira naman ang sa kampo ng dilawan,” pasaring ng dekampanilyang tagapagsalita ng dating senador.

Hindi rin aniya angkop na dagdagan pa dagok ng maruming pamumulitika ang lugmok na kalagayan ng bansa — “Sa panahon ng krisis sa ekonomiya na dulot ng pandemya ay malaking ginhawa marahil sa naghihirap na mamamayan ang makitang kalmado lang na nangangampanya at hindi nag-aaway at nagsisiraan ang mga taong naghahangad na mamuno sa bansa.”

Wala rin aniyang plano si Marcos na tumulad sa mga butangerong walang ginawa kundi magkalat ng intriga, kung hindi man hayagang paninira.

Base sa mga pinakahuling survey, milya-milya na ang agwat ni Marcos sa mga katunggali sa posisyon ng Pangulo.

Paniwala ng mga kilalang political analysts, mahihirapang makaungos si Robredo – kahit idagdag pa ang botong makukuha ng walong iba pang presidential bets.

219

Related posts

Leave a Comment