GINANG KALABOSO SA INVESTMENT SCAM

SWAK sa selda ng National Bureau of Investigation ang isang ginang na umano’y sangkot sa investment scam makaraang arestuhin sa Kawit, Cavite.

Kinilala ni NBI Director Eric Distor ang suspek na si Mary Ann Tee Hernandez.

Base kay Director Distor, nag-ugat ang pagdakip sa ginang dahil sa mga reklamo ng mga biktima nito sa investment scam sa pamamagitan ng pag-solicit at pagtanggap ng pera bilang investment sa kanyang “non-existent business.”

Sa social media umano nakakukuha ng bibiktimahin si Hernandez na nagpapakilalang may-ari ng Frontier Freight Forwarders (Frontier), isang lehitimong negosyo na humahawak ng imports at exports gayundin ay nag-aayos ng mga kargamento para sa shippers at importers, na anim na taon nang nag-o-operate sa Pasay City.

Pinangangakuan umano ng suspek ang kanyang mga biktima na maibabalik ang inilagak na pera na may interest na 2 percent kada buwan.

Nang beripikahin, nadiskubre sa Frontier Freight Forwarders na walang naipapasok na investment sa kanila.

Dahil dito, pinayuhan ang mga complainant na magreklamo sa NBI para sa entrapment operation.

Nagpanggap na poseur investor ang kapatid ng isang complainant at nagkasundo na magkita sa Kawit, Cavite kung saan ibibigay ang halagang hinihingi ng suspek bilang initial investment.

Nang matanggap ng suspek ang marked money, agad kumilos ang NBI at inaresto ang suspek na nahaharap sa kasong estafa sa ilalim ng Art. 315 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa RA 10175 o “The Cybercrime Prevention Act of 2012.” (RENE CRISOSTOMO)

234

Related posts

Leave a Comment