GINANG NA DUMALAW SA MISTER NA PDL, BINARIL SA ULO

INIIMBESTIGAHAN ng pulisya upang matukoy kung may kaugnayan sa pagkakakulong ng asawa ang motibo sa pamamaril ng riding-in-tandem sa isang ginang matapos nitong dalawin ang kanyang mister sa General Trias City, Cavite nitong Huwebes ng hapon.

Natagpuang wala nang buhay sa gilid ng isang creek ang biktimang si alyas “Nadia,” 33, residente ng Parklane Subdivision, Barangay Santiago, General Trias City, matapos magtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo.

Inilarawan ang mga suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo, kung saan ang driver ay nakasuot ng itim na T-shirt habang ang backrider ay nakasuot ng puting jacket at puting helmet.

Sa ulat, naglalakad pauwi ang biktima bandang alas-4:47 ng hapon nang harangin siya ng mga suspek at walang sabi-sabing pagbabarilin ng angkas, na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Bago ang insidente, galing umano ang biktima sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Facility sa Barangay Santiago matapos dalawin ang kanyang nakakulong na asawa.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Kiko Rosa, Barangay San Francisco II, General Trias City.

Nagsasagawa na ng backtracking ang pulisya sa mga CCTV camera sa dinaanan ng mga suspek upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan at posibleng pinagtataguan.

(SIGFRED ADSUARA)

81

Related posts

Leave a Comment