ACCIDENTAL FIRING SINISILIP SA PAGKAMATAY NG SUNDALO SA BACOLOD

POSIBLENG accidental firing ang dahilan sa pagkamatay ng isang 31-anyos na sundalo sa Bacolod City, ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya.

Ang insidente ay nauwi rin sa pagkamatay ng asawa ng sundalo matapos itong saksakin ng kanyang biyenan sa Purok Tilapia, Barangay 3, Bacolod City.

Ayon sa mga imbestigador ng Bacolod City Police Office, accidental firing ang unang nakikitang dahilan sa pagkamatay ni Army Private First Class “Paul” ng 11th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Salungat ito sa mga naunang ulat na nagsasabing nagbaril umano sa sarili ang sundalo gamit ang kanyang military-issued Glock 17 9mm pistol.

May mga ulat din na nagsasabing ang misis nitong si alyas “Leonora,” 28-anyos, ang nakabaril sa sundalo matapos ang kanilang mainitang pagtatalo.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, kinuha umano ng sundalo ang kanyang service firearm sa kasagsagan ng kanilang pagtatalo hanggang sa mauwi ito sa agawan ng baril ng mag-asawa.

Makalipas ang ilang sandali ay umalingawngaw umano ang dalawang putok, kung saan isa sa mga bala ang tumama sa sundalo na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador kung sino ang aktwal na nakapagpaputok ng baril o kung sino ang may hawak nito nang mangyari ang insidente.

Dahil dito, accidental firing ang pangunahing tinitingnang sanhi ng insidente at hindi pagpapatiwakal gaya ng mga unang ulat.

Inamin naman ni alyas “Edwin,” ama ng sundalo, na dahil sa matinding emosyon ay nagawa niyang saksakin ang kanyang manugang na naging sanhi rin ng pagkamatay nito.

Naisugod pa sa pagamutan ang mag-asawa subalit kapwa sila idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Nasa kustodiya na ng Bacolod City Police Station 2 ang biyenan na nahaharap sa kaukulang kaso kaugnay ng insidente.

(JESSE RUIZ)

120

Related posts

Leave a Comment