ILOILO CITY – Dalawang babae ang dinakip ng mga aworidad matapos na mahuli sa aktong nagbebenta ng sanggol sa lungsod na ito, noong Martes ng hapon.
Ayon sa PNP Criminal Investigation and Detection Group -Iloilo City Field Unit, kasamang dinakip ang 29-anyos na ginang na ina mismo ng limang araw pa lamang na sanggol.
Nabatid na natunton ang ina ng sanggol nang tiktikan ng PNP-CIDG ang 53-anyos na babae na matagal nang sinusubaybayan dahil sa umano’y pagbebenta nito ng mga sanggol.
Nakatangap ng impormasyon ang mga pulis na nagbebenta umano ulit ito ng sanggol.
Sinasabing nagkasundo ang ahente at ina ng sanggol at ang isang pulis na nagpanggap na buyer na bibili sa sanggol sa halagang P40,000.
Matapos na tanggapin ng mga suspek ang pera sa operasyon sa Brgy. Boulevard, Molo sa Iloilo City ay kaagad na inaresto ang mga ito ng mga pulis.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag ng Child Abuse Law ang mga suspek. (JESSE KABEL)
