HINDI nakalaro para sa Barangay Ginebra si Japeth Aguilar dahil sa injury, ngunit bigo ang NLEX Road Warriors na samantalahin ito nang yumuko sa ikalawang pagkakataon sa Gin Kings, 104-94, Biyernes sa Mall of Asia Arena.
Dahil sa panalo, isa na lang ang kailangan ng Ginebra upang tuluyang umusad sa PBA Governors’ Cup Finals.
Gaya nang inaasahan, bumandera para sa Gin Kings sina resident import Justin Brownlee at guard Scottie Thompson na sinandigan ng team upang mabura ang double-digit deficit tungo sa ikalawang pagwawagi sa best of five semifinals, at final slot kung muling mananalo ang koponan bukas (Linggo).
Tulad noong Game 1, mabagal ang naging simula ng Ginebra nang lamangan ng NLEX ng 11 puntos, 26-37.
Ngunit nag-init si Nards Pinto nang umiskor ng 10 points sa 23-10 run ng Gin Kings, bago nag-takeover sina Brownlee at Thompson at tuluyang iniwan ang Road Warriors.
Kumamada si Brownlee ng 32 points, nine boards, six assists, four steals at two blocks, habang si Thompson ay nagdagdag ng 17 points, 12 rebounds, three assists, one steal at block.
Naging solido rin si Christian Standhardinger na pumalit muna kay Aguilar nang kumayod ng 17 points, 11 rebounds at two assists, habang si LA Tenorio ay magambag ng 15 points at seven assists.
Nanguna para sa NLEX si Matt Nieto sa kanyang 19 points, habang nalimitahan ang import na si Cameron Clark sa 15 at napatalsik sa game dahil sa ‘disqualifying foul’.
178 